EDITORYAL - Aral na dapat matandaan

Ang mga Pilipino ay madaling makalimot. Isang halimbawa ng pagkalimot ay ang nangyaring EDSA Revolution noong 1986 na nagpatalsik sa diktador na si Ferdinand Marcos. Ilang taon ang nakalipas ay marami na ang nakalimot sa mga ginawa ni Marcos. Nakabalik ang Marcos family dito sa bansa at naluklok pa sa puwesto ang dating First Lady at dalawang anak nito. Para bang nalimutan na ang pagpapakahirap na ginawa sa EDSA. Ngayon ay bumalimbing na ang mga Marcos. Kung sino ang nakapuwesto ay doon nakakapit na animo’y hunyango.

Kamakailan ay naganap ang People Power 2 sa EDSA na nagpatalsik naman kay President Joseph Estrada. Kahit na marami ang umaangkin na sila ang tunay na bayani sa People Power 2 hindi maitatatwang ang taumbayang humugos doon ang tunay na mga bayani. Kahit na tumiwalag na ang Gabinete ni Estrada at bumaligtad ang armed forces, ang taumbayang nagbantay doon ang mga bayani. Isinigaw doon ang kabulukan ni Estrada. Kahit na ano pa ang sabihin ni Estrada at ipinagpipilitang siya pa rin ang Presidente, wala nang maniniwala pa sa kanya. Isinuka na siya ng taumbayan sa EDSA. Umalis siya sa Malacañang dahil sa takot. Nangamba siyang ang puwersa sa EDSA ay sugurin siya sa Malacañang at buhatin upang itapon sa pusaliang tinutubuan ng mga kangkong.

Naganap ang dalawang People Power. Ang una ay madaling nalimutan dahil sa madaling pagbabalik ng mga Marcos. Itong ikalawang People Power ay nararapat nang hindi malimutan. Kaya nagkaroon ng People Power 2 ay sapagkat gustong maalis ang corrupt na pinuno. Hindi dapat masayang ang pagpapagod at pagkakaisa sa EDSA. Dapat nang magkaroon ng aral sa mga susunod pang paghahalal ng pinuno upang hindi na maulit ang masamang bangungot sa bansang ito. Tama na ang isang pinunong nagpahirap sa taumbayan na nangako nang nangako.

Ngayo’y gustong bumalik ni Estrada upang bawiin ang maruming pangalan. Pati ang kanyang asawa, si dating First Lady Loi Ejercito ay ibig isama ni Estrada sa kanyang pananaginip. Tama na! Matuto na sana ang lahat na ang dapat maluklok sa puwesto ay may sapat na kakayahan, mahusay mamuno, hindi nangangako, hindi inuuna ang sariling kapakanan at higit sa lahat, hindi marunong mag-artista. Marami ang nagkamali sa pagkakahalal kay Estrada at sana hindi na ito maulit. Sobra na kung mauulit pa. Huwag kalimutan ang aral na ipinaglaban sa EDSA.

Show comments