Ngayon, limang araw makaraang maupo sa Malacañang si President Arroyo ay nililigalig na ito ng agam-agam sa kudeta. Noong isang araw, inireport na may mga tropa umano ng sundalong patungo sa Maynila. Galing umano sa Cagayan at Isabela ang mga sundalo at sinasabing loyal kay Honasan at kay Sen. Juan Ponce Enrile. Si Enrile, katulad ni Honasan ay kapanalig din ni Estrada at mahigpit na tumutol sa pagbubukas ng envelope. Bukod kay Honasan at Enrile, sangkot din umano sa paglulunsad ng kudeta sina Executive Secretary Edgardo Angara at dating Philippine National Police (PNP) chief Director Panfilo Lacson. Itinanggi naman ito ng apat.
Umano’y nagpulong na sina Enrile at Honasan tungkol sa kudeta ilang oras makaraang manumpa si President Arroyo. Tatlong sundalong kabilang sa RAM-YOU ang nagsabing sa bahay ni Enrile naganap ang pulong tungkol sa coup. May mga report din na kaya umano iwi-withdraw ang $3 milyon ni Estrada sa Citibank ay sapagkat gagamitin sa ilulunsad na coup. Tama naman ang ginawa ng Bureau of Internal Revenue na i-freeze ang account ni Estrada.
Dapat maagapang patayin ng Arroyo administration ang agam-agam sa kudeta. Habang kumakalat ang ganitong balita, hindi magkakaroon ng katiwasayan ang bansa. Matatakot ang mga investors. Kailangang tiyakin ng bagong administrasyon ang seguridad laban sa mga walang kaluluwang ang hangad ay manggulo o mangwasak lamang. Hindi dapat mabawi ang pagkakaisang ipinakita sa EDSA. Marami ang naghahangad ng katahimikan.