Napag-alaman na ang mga taong walang exercise at hindi pinagpapawisan ay kadalasang lampa at walang kabuhay-buhay at madaling kapitan ng sakit kaysa sa mga taong physically active. At dahil nga sa walang exercise ang mga muscle na hindi nagagamit ay nangunguluntoy at hindi mapakinabangan ng lubusan at ito ang tinatawag na muscle atrophy. Exercise and constant activity ang pinakamabisang paraan para maiwasan ang muscle atrophy. Sinasabing sa lahat ng klase ng pag-eehersisyo ang pagtakbo ang pinaka-convenient. Kakailanganin lang sa pagtakbo ang komportableng damit at sapatos. Siguraduhin na mahusay at akma sa paa ang running shoes.
Ang pagtakbo ng regular ay nakakatulong para magkaroon ng stamina at muscle strength. Ang stamina ay ang kapasidad ng katawan na huwag kaagad mapagod. Sa pagtakbo ang mga baga ay lumalaki at lumalapad para humigop ng maraming hangin. Kapag ang ating lungs ay ume-expand nangangahulugan na more oxygen ang ating nalalanghap at dahil ditoy hindi tayo masyadong hinihingal at parang nauubusan ng hininga gaya ng mga taong walang exercise.
Ang pagtakbo ay nakatutulong din na ma-develop ang malakas at matatag na leg muscles. Kapag mahina ang ating mga muscle apektado ang ating mga buto dahil hindi sila mabisang nagagamit. Kapag merong strong heart muscles, ang dugo ay mainam na dumadaloy sa ating mga ugat.
Ugaliing mag-exercise lalo na sa umaga para manatiling malusog ang ating katawan at mabisang paraan din ito para mapatagal o mabalam ang pagtanda.