Marami pa rin ang mga nagsi-shopping sa mga malls kapag ganitong panahon. Para bang hindi kumpleto ang Pasko kapag walang bagong damit, sapatos o iba pang materyal na bagay.
Diyan naka-sentro ang Pasko: Sa pagtanggap ng mga regalo o kayay pamimigay ng aginaldo sa iba. Giving and taking. Iyan ang pakahulugan ng tao sa Pasko.
Ngunit higit sa materyal na bagay, dapat pagtuunan ng pansin ang tunay na diwa ng Pasko. Iyan ay si Kristo Jesus, ang anak ng Diyos na ipinagkaloob Niya sa sanglibutan para makalag sa gapos ng pagkakasala ang tao.
Mahal tayo ng Diyos at ang hangarin niyay sagipin tayong lahat sa pagiging alipin ng kasalanan.
Tingnan ang mga pangyayari sa ating paligid. Dahil sa sobrang kasakiman ng tao, nagkakawindang-windang maging ang pamamalakad sa pamahalaan.
Hindi kayang baguhin ng tao ang kanyang sarili. Hindi niya kayang iligtas ang sarili sa gapos ng pagkakasala.
Ngunit kung bubuksan lamang natin ang ating mga puso at babayaang makapasok ang Panginoon at doon maghari, walang pasubaling masasawata ang ating masasamang pita.
Kung ang bawat isay ganyan ang gagawin, walang pasubaling bubuti ang kalagayan ng ating lipunan.
Ang mga kabulukan sa pamahalaan ay hindi malulutas ng mga pag-aaklas. Hindi ito malulutas ng mga mararahas na aktibidad na lalo lamang nagpapasidhi sa masamang kalagayan ng ating bansa.
Sa Paskong ito, isaisip natin ang tunay na diwa ng pagpanaog ni Kristo sa sandaigdigan at bayaan natin siyang maghari sa ating mga puso.