Ang ganitong gawain ay malinaw na paglabag sa probisyon ng Anti-Wire Tapping Act at ang karapatan ng bawat mamamayan sa privacy. Ang nakakapagtaka sa sitwasyon ngayon, maging ang mga malalapit na kaibigan at ka-alyado ni Estrada ay kasama rin sa mga sinusubaybayan. Ibig bang sabihin nito ay wala nang ligtas sa operasyong ito? Malawakang operasyon ito na mangyayari lamang sa pamamagitan ng pakikikutsaba sa PLDT at Globe. Maging ang Pangulo ng PLDT na si Manny Pangilinan ay kasama sa mga taong sinusubaybayan.
Noon pa man, ang teknolohiya na ginagamit sa ganitong operasyon ay hindi basta-basta manggagaling sa mga pribadong tao o grupo. Tanging ang pamahalaan lamang ang may kakayahan na gumawa ng ganitong kalawak at sistematikong pagsubaybay at pagmamatyag. Kung kaya hindi na pag-uusapan kung ang PAOCTF o PSG man ang nagsasagawa ng ganitong operasyon. At hindi na rin maikakaila na pulitika ang dahilan sa likod nito.
Ang aking pagtutol at pagbatikos sa ganitong gawain ay ang paglabag sa karapatan ng bawat mamamayan sa kanyang privacy. Ibig sabihin nito ay dapat igalang ng pamahalaan at mga sangay nito maging ng mga pribadong tao at korporasyon ang pribadong espasyo. Hindi ito dapat basta-basta na lang isinasantabi para sa kung anong dahilan maliban na lamang kung ang seguridad ng bansa ay nanganganib at may kautusan mula sa korte. Sa ating sitwasyon ngayon tanging ang nakataya ay ang pananatili ng administrasyon sa poder ng kapangyarihan.
Imbes na matakot ay lalo pa ngang nagsusumikap ang Oposisyon na malaman ang katotohanan sa likod ng mga kaso at bintang kay Estrada. Kung ganitong pagpapahalaga at pansin ang ibinibigay nila sa Oposisyon ay siguro nga ay tama ang direksiyon na aming tinitingnan.