Nang unang halukayin ng mga prosecutors ang tungkol sa tsekeng nagkakahalaga ng P142 million na umano’y ibinayad sa pagbili ng "Boracay" mansion, marami nang kakatwang pangyayari na nakapagpalito sa taumbayan. Iginiit ni Makati Rep. Joker Arroyo na ang nag-isyu ng tseke ay walang iba kundi si President Estrada at gumamit lamang ng pangalang "Jose Valhalla". Ang pagkakatulad ng pirma ni Estrada sa P500 at sa tseke ang pinagbatayan ni Arroyo.
Tinawanan lamang ni Estrada ang akusasyon ni Arroyo. Wala umanong katotohanan sa mga sinabi ni Arroyo. Nang interbyuhin si Estrada kamakailan na may kaugnayan sa akusasyon, sinabi nitong nagtatawa "Bahala sila." Bago nabuksan ang envelope ni Jose Velarde ay lumutang din naman ang umano’y kaibigan at errand boy ni Estrada na si Jaime Dechaves. Sinabi ni Dechaves na siya si "Jose Valhalla". Tumutol din siyang buksan ang mga dokumento. Ngayo’y paano ipaliliwanag ni Dechaves na hindi pala siya si Valhalla kundi si Velarde. Malilimutin na ba si Dechaves at nalimutan niyang siya si "Valhalla" o Velarde na may account sa Equitable. Kakatwa ring 10 araw na ang nakalipas bago pa sumigaw si Dechaves na siya si "Valhalla".
Nabuksan na ang dokumento at lumantad ang pangalang Velarde subalit marami pa ring mga katanungang nakapaloob dito. Kahina-hinalang hindi pa rin matukoy kung sino ang taong ito dahil sa kawalan ng impormasyon. Bakit pinayagan ito ng banko. Naglalantad ito sa katotohanang malaki ang kinalaman ng Equitable sa hindi paglalantad ng tunay na katauhan ni Jose Velarde. Misteryoso pa rin ang taong ito tulad ni Jose Valhalla. Habang nakabalot ang misteryo sa taong ito, hindi naman matahimik ang taumbayan na naghahanap ng katotohanan. Dapat pang hukayin ang account ni Jose Velarde.