Makailang beses na ring itinanggi ni Estrada na wala siyang kinalaman sa jueteng at hindi sa kanya ang mga magagarang mansiyon. Kung ganito ang paninindigan ni Estrada at kung paniniwalaan na wala siyang tinatanggap mula sa jueteng, bakit ngayon ay malakas ang pagtanggi ng depensa na buksan ang mga selyadong dokumento? Kung sakali mang pabor sa prosekusyon ang ebidensiyang lalabas ay maaari rin naman itong i-cross-examine ng depensa. Natatakot ba sila na may mga makikitang ebidensiya na magdidiin kay Estrada? Ikalawa, bakit may isang Jaime Dichaves na biglang lilitaw at umaakong sa kanya ang bank account na nasa pangalan ni Valhalla samantalang noong umpisa pa lamang ng paglilitis ay matagal na itong pinaghahanap?
Sa mga bagong kaganapan, makikita na gustong lituhin ang direksiyon ngayon ng paglilitis. Bakit ngayon lamang lumabas ni Jaime Dichaves? Sa pagtutol na lamang ng depensa ay muling maaantala ang paglilitis, at isa na naman itong kuwestiyon ng teknikalidad na gagamitin ng depensa. Sa paglilitis, ang lahat ng mga bagay na maaring makatulong sa paghahanap ng katotohanan ay kailangang makita, kung pagkatapos buksan ang mga dokumento ay makitang hindi ito mahalaga o walang kinalaman sa kasong nililitis ay maari itong isantabi na lang. Mas madali itong gawin kaysa ibaon na lamang ang dokumentong maaari sanang nakatulong na ihayag ang katotohanan. Ang ganitong pagtanaw ay mas simple, mas maayos at mas makatutulong sa prosekusyon man o depensa.