Subalit ang dala’y hindi tiyak natin;
Posibleng ang dala ay dusa’t hilahil
Lalo sa lagi nang kuba sa pasanin!
Kuba sa pasanin ang mga mahirap
At lalo na ngayong bansa’y umiiyak,
Ang ekonomiya ay zero at bagsak
Pumapasok tayo sa siglong tagsalat!
Dampa ng mahira ay ating dalawin
Mga tao roo’y halos hindi kumain;
Sa kaprasong ulam anim ang kakain
At ni walang gatas ang bunsong pang-anim!
Kaya ngayong Pasko sa dampang minulan
Ayaw kong sumilip ayaw kong suminsay
Baka ang makita’y pawang karukhaan
Na ngayo’y laganap sa ulilang bayan!
May mga dampa pang walang nakatira
Sapagkat tahanang biglang naulila
Anak at magulang nasawi sa digma
Nang ang dalawang ‘‘ismo’’ bilang nagsagupa!
Ang Pasko’y heto na pero bakit hungkag
Ang dalang biyaya sa puso kong salat?
Salat sa pag-asang ang baya’y umunlad
Salat sa kalinga ng taong ‘‘pabigat."