^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Plastik man

-
Ang salitang plastik ay kakatwang naging bukambibig ngayong nasa katindihan ang political crisis. At maging si President Estrada ay nakiuso na rin sa pagsasalita ng plastik. Nakanganga naman ang tulirong taumbayan na naiinip na sa paghahanap ng katotohanan. Sino nga ba ang plastik?

Nang magsagawa ng rally ang iba’t ibang sektor noong Miyerkules ay nagtagpu-tagpo sila sa Makati City at sinalubong naman sa Ayala Avenue ng mga businessmen at nagsalu-salo sa pananghalian o nag-‘‘people power lunch". Pinagsaluhan nila ang kanin at adobong manok. Mahigit na P4,000 pack lunch ang inihanda ng mga volunteers mula sa mga village associations sa Makati. Naglagay ng mesa sa gitna ng kalye at doon nagsikain. Ang ilan ay gumamit ng plastik na kutsara at tinidor samantalang ang iba’y nagkamay. Ang "people power lunch" ay protesta laban kay Estrada na humihiling sa pagre-resign nito.

Hindi naman nakaligtas kay Estrada ang ginawa ng mga rallyists. Nang bumisita noong Huwebes sa San Carlos City, Pangasinan, binira ni Estrada ang umano’y kaplastikang nangyari sa Ayala. Ang kainan aniyang ginawa roon kasama ang masa ay ginaya lamang umano sa kanya. Sa pagkain ng tanghalian ay nagkamay si Estrada sa pagsubo. Hindi siya gumamit ng kutsarang plastik. Sinubuan pa niya ang isang matandang lalaki. Hindi aniya siya plastik.

Sa pagsasalita naman sa ULTRA, Pasig City ng araw ding iyon, inulit ni Estrada ang mga sinabi noon na ibabangon niya ang kapakanan ng mga mahihirap hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2004. Sinabi ni Estrada na utang niya sa mahihirap ang pagkapanalo noong 1998 at hindi niya nalilimutan ang mga pangako sa mga ito. Sinabi uli ni Estrada na malinis ang kanyang konsensiya at ni isang sentimo’y wala siyang tinanggap sa jueteng. Wala umanong magnanakaw sa kanyang pamilya.

Nalimutan namang sabihin ni Estrada ang pag-aming tumanggap nga siya ng P200 milyon kay Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson para sa kanyang Muslim Youth Scholarship Foundation. Tila nalimutan din ni Estrada na ang kanyang bayaw na si Raul de Guzman ang namumuno rito na lumalabag sa sinabi niyang walang kamag-anak, walang kaibigan. Ipinangako naman niyang hindi na ipade-demolished ang mga barung-barong ng mga squatters sapagkat ayon sa kanya’y kailangan ng mga mahihirap ng bahay. Dapat lamang ito sapagkat magiging plastik siya kung hindi magkakaroon ng bahay at lupa ang mga mahihirap gayong limang mansions umano ang nauugnay sa kanya at tinitirahan ng kanyang mga mistresses.

Sino ba talaga ang plastik?

AYALA AVENUE

ESTRADA

ILOCOS SUR GOV

MAKATI CITY

MUSLIM YOUTH SCHOLARSHIP FOUNDATION

PLASTIK

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with