Malapit na ang Pasko kaya mga diskuha'y niri-raid ng pulis

Ilang tulog na lamang at Pasko na naman. At kapag ganitong malapit na ang Pasko ay maraming ginagawang "kakatwa" ang kapulisan. Isa rito ay ang ginagawa nilang sunud-sunod na pagsalakay sa mga diskuhan at night club sa Kamaynilaan.

Imbes na ituon ng kapulisan partikular na ang Criminal Investigation and Detection Office-CIDG, Parañaque Police Intelligence Unit at National Capital Regional Office ang kanilang intelligence networks sa mga terorista at sindikato ng droga, ang pagsalakay sa mga disco house at nightclub ang kanilang inaatupag.

Isa lang ang dahilan nito kung bakit aktibo na naman ang kanilang pangre-raid, kung hindi gumagawa ng intelihensya net-cash este intelligence networks ay nagpapakilala dahil bago ang nakaupong hepe ng pulis na katulad na lamang ni Parañaque Chief of Police Senior Supt. Alfredo de Vera.

Kabilang din sa mga nagpapakilala sa disco at nightclub ay ang grupo ng isang nangangalang Insp. Cornelio Amoyan at Sgt. Nonoy Calinlin ng CIDO-CIDG at ang grupo ng NCRPO-IID sa ilalim ng isang nangangalang Col. Anduyan.

Karamihan sa mga nagrereklamong may-ari ng mga nightclub ay mula sa Parañaque City. Iniistorbo umano ng grupo ni Chief Insp. Edgardo Garay ng Intelligence Unit ang kanilang negosyo.

Isang nagngangalang Flor Mata, tauhan daw ni Garay at De Vera ang tumatayong taga-orbit upang mangalap ng intellihensya netcash este intelligence networks.

Ito namang grupo ni CIDO-CIDG sa pamumuno ng isang nangangalang Insp. Cornelio Amoyan na may mga kasamang bagets ay nagpapakilala sa mga diskuhan at nightclub sa Pasay. Ano ba naman ‘yan PNP Chief Panfilo Lacson, wala nang patawad ang iyong mga tauhan.

Ang masakit pa nito, walang ginagawang coordination ang mga nasabing grupo ng pulis sa Office of the Mayor na responsable at may kapangyarihang magsagawa ng raid.

Kailan kaya iiwanan ng mga pulis ang mga illegal na gawain at pag-aabalahan ng panahon ay ang pangangalap ng intelligence details tungkol sa mga holdaper, kidnappers, drug syndicate, bank robbers, cellphone gang at kung anu-ano pang mga criminal activities. Ipaubaya n’yo na sa Office of the Mayor ang raid sa mga diskuhan at nightclub. Mas matutuwa pa sa inyo ang taumbayan kapag nadurog ninyo ang mga naghahasik ng lagim.

Show comments