May ilang linggo na ang nakararaan, marami ang nagulantang nang biglang aminin ni Estrada na tumanggap nga siya ng P200 milyon mula kay Singson. Tinanggap umano ito ng kanyang lawyer na si Edward Serapio para sa Muslim Youth Scholarship Foundation. Iginisa sa Blue Ribbon Committee si Serapio at ang mga senador na nagtanong ay naghinalang nagsisinungaling si Serapio sapagkat hindi nagtutugma ang kanyang sinabi sa sinabi naman ni Estrada.
Kamakalawa ay tinawagan ni Estrada ang tatlong radio stations – ang DZBB, DZMM at DZRH at inaming alam ni First Lady Luisa "Loi" Ejercito ang pagpapatayo ng apat na townhouses sa 900 metro kuwadradong lote sa 95 8th Ave. Cubao, Quezon City para tirhan ng dating aktres na si Laarni Enriquez. Pumayag umano ang First Lady sapagkat naintindihan nitong may mga anak siya kay Laarni. Tatlo ang anak ni Estrada kay Laarni. Itinanggi rin ni Estrada na may relasyon siya kay Rowena Lopez na stewardess ng Philippine Airlines.
Ano pa ang ipaliliwanag ni Estrada na may kaugnayan sa mga kasong nagbunsod para sampahan siya ng impeachment complaint? Kamakalawa’y nanumpa na ang mga senador para sa pormal na pagsisimula ng trial sa December 7. Si Estrada ay sinampahan ng mga kasong corruption, pagsira sa pagtitiwala ng taumbayan at paglabag sa Constitution.
Nakapagtatakang ngayong nakasalang na sa Senado ay saka naman nagpapaliwanag si Estrada na nakadaragdag sa pagdududa ng taumbayan. Habang nagpapaliwanag ay dinadagdagan naman ng pag-aalinlangan dahil din sa "panghuhula" ni Sen. Miriam Defensor-Santiago na mapapawalang-sala si Estrada sa kaso.
Dapat nang tumigil si Estrada sa pagpapaliwanag sa isyu. Mas makabubuting hintayin na lamang ang trial at sagutin ang mga kasong inihain laban sa kanya. Itikom na ang bibig upang mawala ang pagdududa at pag-aagam ng taumbayan.