Natanggal dahil sa pagtupad sa tungkulin

Si Ester ay personnel manager ng isang kooperatiba. Siya ay may kapangyarihang magpasya tungkol sa suweldo, benepisyo at iba pang bagay na may kinalaman sa mga empleyado ng kooperatiba. Bilang personnel manager, lumapit sa kanya si Carmencita, isang empleyadong natanggal sa maling paraan dahil hindi ito nabigyan ng sapat na pagkakataong marinig ang panig. Hiniling ni Carmencita kay Ester na siyasating muli ang kanyang kaso upang siya nama’y mabigyan man ng separation pay.

Kahit hindi inaatasan ng Board, nagsagawa si Ester ng pagsisiyasat. Napag-alaman niya na nalabag nga ang karapatan ni Carmencita bago ito natanggal. Inirekomenda niya sa management na bigyan ng separation pay si Carmencita kundi’y baka magreklamo pa ito sa Department of Labor at maaaring maibalik sa trabaho. Sa hindi malamang paraan, nakakuha si Carmencita ng report ni Ester. Base rito, nagsampa siya ng kaso laban sa kooperatiba ng illegal dismissal at ginamit niya ang report ni Ester.

Dahil dito, si Ester naman ang tinanggal ng kooperatiba. Ang pagsagawa raw nga ng pagsisiyasat sa kaso ni Carmencita nang walang utos ang Board ay isang grabe at hindi mabuting asal o serious misconduct ng isang empleyado. Nawalan na rin daw ng tiwala ang management kay Ester dahil nilabag niya ang patakaran ng kompidensiyalidad nang bigyan niya ng kanyang report si Carmencita. Tama ba ang kooperatiba?

Mali.
Ang ginawa ni Ester na pagsisiyasat sa kaso ni Carmencita ay pagsasagawa lang niya ng tungkulin bilang personnel manager. Nasa kapangyarihan niya ang suriing muli ang kaso ng mga empleyado, pati yung natanggal na, upang magbigay ng rekomendasyon tungkol dito. Hindi na niya kailangan pang hintayin ang utos ng board upang gawin ang kanyang tungkulin. Ito’y hindi grabeng pagkakamali at sapat na batayan upang tanggalin siya sa puwesto. Hindi rin makatwiran ang pagtanggal sa kanya dahil sa loss of confidence. Hindi naman napatunayan na siya ang nagbigay ng report kay Carmencita. Posibleng nakuha ito ni Carmencita sa ibang paraan. Upang maging sapat na batayan ang loss of confidence, kailangang malinaw ang ebidensiya tungkol dito. Kaya dapat ibalik si Ester sa kanyang puwesto. (Surigao Electric vs NLRC et. al., G.R. No. 12512 June 28, 1999)

Show comments