Nagpakita ng kakaibang larawan ang mga kongresista at nadama ng taumbayan ang kanilang pagsisikap na makita ang katotohanan. Sinunod nila ang sigaw ng konsensiya. Ang inaabangan naman ngayon ng taumbayan ay ang pagdinig naman ng mga senador sa kani-kanilang konsensiya. Nasa kanilang mga kamay na ang pag-asang mababatid na ng taumbayan ang katotohanan sa mga reklamong inihain kay Estrada.
Nang magtalumpati ang bagong Senate President na si Aquilino Pimentel Jr. sinabi niyang ang Senado ang magiging tagapadala ng sulo (torch) ng kalayaan, katarungan at kapayapaan. Idinagdag niyang ang pagkakamit ng katarungan sa ilalim ng Senado ay hindi made-delayed. Pinalitan ni Pimentel si Franklin Drilon sa Senate presidency. Maganda ang talumpati ni Pimentel at marami ang umaasa sa kanyang mga sinabi. Pinatay ng kanyang mga sinabi ang agam-agam na maraming pro-administration senators ang nagtatangkang "harangin" ang pagsasagawa ng impeachment trial. Sinabi pa ni Pimentel sa kanyang mga kasamahang senador, "the Senate as an institution will, hopefully, be looked up to with respect, esteem and admiration, not looked down on with obloquy, infamy and notoriety." Sinabi kahapon ni Pimentel na tatapusin ang impeachment trial sa December 31.
Sana’y makuha ng mga senador ang mensahe ni Pimentel nang walang labis at walang kulang. Dapat mabatid ng mga senador na sa kanila nakasalalay ang pagbangon ng bansa at pagkabuklud-buklod muli ng nahahati-hating mamamayan. Ito na ang pagkakataon na dapat nilang iniuutos ng kanilang konsensiya at hindi ang atas ng pulitika. Nakinig ang mga kongresista sa sigaw ng konsensiya upang mabatid ang katotohanan, naniniwala kami na ang Senado sa pamumuno ni Pimentel ay ganito rin ang kanilang gagawin o mas higit pa.