Pogi - LISTO LANG

Tila labis na ang patuloy na paniniil sa mga taong unti-unting nawawalan ng buhok. Nagmimistulang nakakahawang sakit ang pagiging kalbo sa dami ng tukso, alimura, at kutya na kanilang tinatanggap. Sa ilan, ikinukubli nila ang kanilang pagkakalbo sa pamamagitan ng peluka o sumbrero. Mayroon itong mga kapakinabangan. Ang sumbrero ay mabisang pananggalang sa araw at ulan samantalang ang peluka’y nakapagpapaaya sa hitsura ng isang taong pinagkaitan ng buhok. Ngunit mayroon din itong mga sagwil.

Sa ginanap na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa mga paratang ni Gov. Luis ‘‘Chavit’’ Singson, galit na sinita ni Senador Aquilino Pimentel ang isang lalaking inakala niyang nakasumbrero sa loob ng bulwagan. Itinuring ni Pimentel na tahasang pambabastos ang ginawa ng lalaki. Subalit kalbo ang naturang lalaki. ang sinasabing sumbrero ni Pimentel ay isa palang electronic headgear. Dagliang iniutos ni Pimentel na dalhin sa harapan ng kapulungan ang lalaki. Pero bago pa man ito nagawa ng mga guwardiya, dali-daling hinubad ng lalaki ang suot na headgear at umalis ng bulwagan.

Bakit nga ba natin madalas pag-initan ang mga kalbo? Ang mga komedyante ay may kanya-kanyang kutya sa mga bulag, pipi at bingi. Ngunit ang kanilang pinakamalulupit na mga patutsada ay ang sa mga kalbo. Karamihan pa nga sa kanila ay sadyang nagpapakalbo upang lalong tangkilikin ang kanilang mga patawa. Hindi ba’t may kasabihan tayong ‘‘huwag kang magpapatawa kung hindi ka kalbo.’’ May ilan din naman naglunsad ng mga negosyong gumagawa ng gamot sa pagpapatubo ng buhok at paggawa ng peluka. Isa na itong malaking industriya dala na rin ng malaking bilang ng mga kalbo sa bansa.

Aminado ang mga kalbo na lumakas ang kanilang tiwala sa sarili at nagbago ang kanilang mga personalidad nang sila ay magkaroon ng ‘‘panibagong buhok.’’ Subalit, daglian daw silang napupukaw sa kanilang panaginip sa tuwing nakakatagpo sila ng mga taong naggigiit ng kanilang pagkakalbo.

Tagapangasiwa ng isang malaking kompanya na nakita ang isang kakilala sa isang pagtitipon:
‘‘Hoy, Dick, kamusta na? Ako ito, si Pedro.’’

Nagitlang Dick:
‘‘Pedro? Ikaw nga ba iyan? Pamilyar ka, pero ang kilala kong Pedro ay kalbo!’’

Panahon na marahil upang bumuo ng isang malaking samahan ang mga kalbo sa mundo upang ipagtanggol ang kanilang ‘‘inaaping lahi.’’ Maaari nitong baguhin ang mga pananaw ng mga tao tungkol sa kalbo. Tulad nina Goma at Cesar, hindi lang ang mga may buhok ang may karapatang tawaging pogi.

Show comments