Ngayon, bakit biglang umamin si Presidente na may P200 milyon na galing sa jueteng na dineposito sa Muslim Youth Scholarship Foundation? Ang Foundation na ito ay pinangangasiwaan ni dating Undersecretary for Political Affairs Edward Serapio, na sinasabing abogado ng pamilya ng Presidente at tinuturong naglakad ng mga papeles ng mga nababalitang mansiyon nito.
Ang P200 milyon daw ay para sa pagpapaaral ng mga estudyanteng Muslim. Ito raw ay kailan lang nalaman ng Presidente. Nanatili raw ito sa banko upang gawing ebidensiya sa hinaharap. Maaaring ang perang ito ay hindi sumayad sa kamay ng Presidente subalit dahil sa ito ay idineposito sa kanyang Foundation na pinangangasiwaan ng isang taong malapit sa kanya at pinagkakatiwalaan ito ay katumbas na rin ng pagtanggap ng Presidente. Mahirap talagang isipin na ang pagdeposito ng malaking halaga na katumbas ng P200 milyon ay hindi lamang ipinaalam ng Presidente. Aba’y napakalaking halaga nito at hindi ito basta-basta kinakalimutan na lamang.
Ayon sa batas, ang sinumang gagawa ng transaksiyon o papasok sa isang kasunduan sa pamamagitan ng isang kinatawan, ang kinatawang ito ay may kapangyarihan na gumawa ng mga bagay at pumasok sa mga transaksiyon. Hindi uubra ang isang pagtanggi lamang sapagkat sa isip ng ordinaryong mamamayan hindi kapani-paniwala na babalewalain lamang ang depositong P200 milyon. Noong ito ay ideposito sa account ng Foundation, dapat noon pa lamang ay nagtaka na si Serapio at Presidente kung bakit may nagdeposito ng ganitong malaking halaga. Isinauli sana ito sa kung sino man ang pinanggalingan nito at hindi kung kailan sumabog na ang isyu, saka lamang sabihing walang alam ang mga taong kasangkot dito. Huli na ang ganitong estratehiya.