Nitong mga nagdaang araw naging vocal na si Estrada tungkol sa jueteng payola na ibinunyag ni Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson. Noong Huwebes, inamin nitong nagbigay nga ng P200 milyong suhol si Singson subalit ito ay idineposito sa banko ni Atty. Edward Serafio na nangangasiwa naman ng Muslim youth foundation. Bukod sa jueteng payola, inakusahan din ni Singson si Estrada sa pagbubulsa ng milyong pisong excise tax ng tobacco. Nagpainterbyu pa si Estrada kamakalawa sa mga foreign journalists. Namula ang pisngi niya sa mga katanungan.
Kapansin-pansin din na masigasig si Estrada sa pagsasabi sa kanyang mga kapanalig na umpisahan na ang impeachment trial upang malinis na niya ang kanyang pangalan. Subalit kung gaano kasigasig si Estrada tila marami sa kanyang mga kapanalig ang kumikilos para ideskaril ang isasagawang trial bukas. Marami umanong binabalak ang mga kongresistang maka-administrasyon para ma-delay ang impeachment. Isa rito ang bulung-bulungang ikukudeta ang Senate President at ang House Speaker.
Marami ang magmamasid sa isasagawang trial at ang anumang balak na panghihimasok o pakikialam ng administration dito ay isang malaking kamaliang kanilang gagawin. Ang anumang panghihimasok ay banta sa pagbagsak pa ng ekonomiya. Kung ang trial ay hahaluan ng panlilinlang lalo nang magwawala ang taumbayan at babaha ng mga protesta. Dapat ilagay sa ayos ang pagiging makatotohanan ng impeachment process. Si Estrada na rin ang nagsabi na sa impeachment trial lalabas ang katotohanan gaya ng madalas niyang sabihing malinis ang kanyang konsiyensiya at wala siyang tinanggap ni isang sentimo sa jueteng. Dapat niyang turuan ang mga kaalyado.