Editoryal - Kunsintidor

MARAMING kaibigan si President Estrada na pinagkakautangan niya ng loob. Kabilang sa kanyang kaibigan si Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson na nagbulgar ng jueteng scandal. Kamakalawa’y inamin ni Estrada na sinuhulan umano siya ni Singson ng P200 milyon mula sa jueteng subalit hindi niya tinanggap. Sa halip, ibinigay ito ni Singson sa accountant na si Yolanda Ricaforte. Ibinigay naman ni Ricaforte ang pera kay Atty. Edward Serafio na idineposito naman nito para sa Muslim Youth Scholarship Foundation. Sinabi ni Estrada na hindi nagalaw ang P200 milyon.

Ito ang unang pagkakataon na nagsalita si Estrada tungkol sa jueteng scandal. Matagal siyang nanahimik na nagbigay ng perception na totoo ang mga ibinunyag ni Singson. Bukod sa P400 milyon na isinuhol kay Estrada, sinabi ni Singson na ibinulsa rin ng Presidente ang milyong pisong excise tax ng tabako.

May bahid na ng misteryo sa pag-amin ni Estrada na sinuhulan siya ni Singson ng P200 milyon. Tumutugma ito sa mga sinasabi ni Singson tungkol sa jueteng payola. Maging si Ricaforte na sinabi ni Estrada na hindi niya kilala ay gumagalaw na rin batay sa inamin ni Estrada. Bakit nanahimik si Estrada at hindi agad ito sinabi? Sinabi ni Estrada na hindi agad siya nagsalita sa utos ng kanyang mga abogado at idinagdag: "There will be time for truth and judgement."

Malalim na ang jueteng scandal na huhukayin pa ngayong nakasampa na sa Senado ang impeachment complaint laban kay Estrada. Sa ibinunyag ni Estradang panunuhol ni Singson ay lumutang din ang kawalang seryoso o ang pagwawalambahala ni Estrada sa illegal na jueteng. Hindi siya gumawa ng aksiyon kahit sinusuhulan ng perang alam niyang galing sa jueteng. Kung tutuusin, maaari niyang ipahuli at kasuhan si Singson ng panunuhol. Pero hindi niya ito ginawa. Mabuti nga siyang kaibigan na kahit alam niyang mali ang ginagawa’y ipinagwalambahala lamang.

Ipinakita ng Estrada administration ang pagkunsinti sa jueteng sa hindi pagkilos sa suhol na iniumang ni Singson. Palibhasa’y ang sugal na lamang kasi ang alam na paraan para mabigyan ng hanapbuhay ang mga mahihirap. Sa sugal iniaasa ang bukas ng mga mahihirap. Isang pagkakamali na ang sugal palang ito ang maglulublob kay Estrada sa putik ng kontrobersiya na ang mismong kaibigan pa ang nagdiin sa kanya.

Sumisigaw ang taumbayan at ngayo’y nagkukulay dugo ang lansangan sa dami ng nagpoprotesta at humihiling na magbitiw si Estrada sa puwesto. Marami ang naghahangad ng katotohanan at pagbabago. Subalit tila hindi naririnig ang sigaw at ang mensahe.

Show comments