^

PSN Opinyon

Tama na ang pamumulitika

-
Tila ginagawa ng mga nalalabing pro-Estrada sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang lahat para mahadlangan ang inihahandang impeachment laban kay Presidente Estrada.

Sa ganang akin, kung hindi mapipilit magbitiw ang Pangulo sa gitna ng kontrobersyang sumisira sa kanyang kredibilidad para mamuno, dapat nang isulong ang impeachment.

Pero sa prosesong ito, nakikita pa rin natin ang talamak na pamumulitika.

Nakikita natin kung paano pag-usigin ng mga nalalabing kasangga ng Pangulo sa partidong LAMP ang mga mambabatas na nagsipagbaligtaran para maiusad ang impeachment.

Lumalakas ang pressure laban kina Senate President Franklin Drilon at House Speaker Manny Villar para sila’y tuluyang masibak sa pamumuno ng dalawang kamara ng Kongreso.

Bagaman at seryoso ang asunto laban sa Pangulo, nananatili pa rin akong nasa gitna dahil wala namang makapaghuhusgang may-sala ang Pangulo maliban na lamang marahil yaong mga eyewitnesses o nakakita na talagang ginawa ni Estrada ang mga paratang sa kanya.

Ngunit isang masaklap na katotohanang hinatulan na siya ng hukuman ng opinyong publiko. Ito’y pumipilay sa kanyang kakayahang mamuno. Nakita na natin kung papaano malugmok ang ating ekonomiya at ang taumbayan ang lubhang nahihirapan. Gusto man nating magbitiw ang Pangulo, hindi natin siya maaaring pilitin. May karapatan rin siya katulad ng bawat isa sa atin.

Kaya sa mga mambabatas, nawa’y magkaisa na sila para maging mabilis at walang pagkabalam ang gagawing impeachment process.

Pero kakatwa ang mga nangyayari ngayon. Kumikilos ang mga Senador na kasangga ng Pangulo na ipuwera ang mga mambabatas na anti-Estrada sa gagawing trial. Nangunguna sa mosyong ito laban sa mga anti-Erap Senators si Sen. Juan Ponce Enrile.

Ano’ng ibig nilang mangyari? Na ang lilitis sa Pangulo ay puro kakampi niya? Mas pangit naman yata iyan at lalung mawawalan ng kredibilidad lalu pa’t kung ang resulta ng paglilitis ay pabor sa Pangulo.

Mas mainam marahil kung ang panel ng mga Senador sa impeachment ay balanseng binubuo ng mga kapanalig gayundin ng mga naniniwalang may merito ang kaso.

Dapat alalahanin na hindi kapakanan ng Pangulo ang kailangang intindihin ngayon kundi kapakanan ng bansa na labis na nagdurusa bunga ng krisis politikal na ito.

Kailangang mag-ingat ang mga pro-Erap na politiko, lalo na ang mga mambabatas sa tangkang manipulahin ang resulta ng impeachment para pumabor sa Pangulo.

Mag-iingat din yaong mga kalaban ng Pangulo na magtatangka ring kontrolin ang resulta ng impeachment para lamang mapatalsik ang Pangulo at maluklok sila sa poder.

Matibay din ang paniniwala ko na ang Chief Justice na uupo bilang hukom sa gagawing trial ay magiging makatarungan. Apolitical ang Korte Suprema at mga mahistradong bumubuo nito. Dapat tayong manalig sa kalayaan ng isipan nila.

Kung hindi, ano pa ang kabuluhan ng ating sistema ng pamahalaan kung laging pagdududahan.(email: [email protected])

CHIEF JUSTICE

DAPAT

ERAP SENATORS

HOUSE SPEAKER MANNY VILLAR

IMPEACHMENT

JUAN PONCE ENRILE

KONGRESO

KORTE SUPREMA

PANGULO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with