Kung Lunes hanggang Biyernes ay 20 nayon ang kanyang pinupuntahan para magpalimos. Isang nayon ang dinadalaw sa bawat araw kaya walang nauulit kada buwan. Ito ay para huwag siyang pagsawaan ng mga taga-nayon. Nagbabahay-bahay siya. Kung Sabado ay nagpapahinga at ginagawa ang kailangang gawin sa kanyang munting dampa.
Ang kumbinasyon ng paglilinis sa bayan at nayon ay mahalaga. Sa simbahan, ang inaabot ng mga tao ay pera. Sa baryo, karaniwan ay isang dakot na bigas.
Sa kanyang dampa, isinasaing niya ang kalahati ng bigas para pagkain sa maghapon. Ang isang kalahati ay itinatago sa isang gusi.
Isang Sabado ay nakahilata siya sa hapag na kawayan. Minasdan ang gusi na halos puno na ng bigas.
Ipagbibili ko ang bigas pag napuno, bulong sa sarili. Tapos ibibili ko ng dalawang biik na aalagaan. Dalawang beses sa isang taon, magbubuntis at magkakaanak ng tig-isang dosena. Siyempre ipagbibili ko uli at mamimili ng mga kalabaw na pararamihin. Sa tagal ng panahon ay makakabili ako ng tilyadora. Maaari ko nang ligawan ang magandang guro sa paaralan ng nayon. Magkakaanak kami ng isang lalaki na magulo. Dahil sa maingay siya ay sisipain ko sa puwit.
Napasipa sa panaginip at tinamaan ang gusi na nabasag. Kumalat ang bigas at nahulog sa mabahong pusali sa ilalim ng masikip na silong kaya hindi na nakuha.
Leksiyon: Ang pananaginip ng gising ay nagpapahirap sa tao.