Kaduda-dudang pag-iwas sa katotohanan

Sa simula pa lamang, marami na ang nagtataka kung bakit mabagal ang pagsagot ni President Estrada sa jueteng scandal na ibinulgar ni Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson. Mayroon bang itinatago na naging dahilan para ang apoy ng pagdududa ay kumalat? Sinabi ni Estrada: "Maraming nagkakamali na ang aking pananahimik ay pagtanggap ng kasalanan." Ano ang aasahan sa pananahimik? Sadyang ganito ang iisipin ng taumbayan at hindi mahirap sabihing "instant bayani" si Singson na nagsakdal sa dating kaibigan at naglantad ng corruption sa pamahalaan. Bago pa naawat ang sunog ay malaki na ang nagawang pinsala. Marami ang naniniwalang totoo ang sinasabi ni Singson dahil sa patuloy na pananahimik ni Estrada. Sa unang sigabo pa lamang ng pagbubunyag, may bahid na ng katotohanan sapagkat umamin din ang mga taong "nabalatuhan" ni Singson na kinabibilangan ng dalawang senador at dalawang Cabinet Secretaries.

Nakadagdag din sa pagdududa ang hindi paglitaw ng mga taong kasangkot sa jueteng scandal. Pinalipas muna ang maraming araw bago tuluyang nakabalik sa bansa si Yolanda Ricaforte na ayon kay Singson ay auditor ni Estrada. Subalit lalo lamang lumaki ang pagdududa sapagkat nang haharap na sa Senate Blue Ribbon hearing si Ricaforte ay isinugod ito sa ospital. Ang nakapagtataka’y nagpalit umano ito ng pangalan sa ospital kaya hindi nakita. Dahil dito’y naatrasado ng isang araw ang hearing. Nang humarap na ito sa hearing hindi naman nito magawang linisin ang pangalan ni Estrada at sa pagitan ng pagluha, ang mga sinabi ay kumukontra sa sinabi ng isa pang babaing witness na nagdulot ng panibago pang pagdududa.

Lalo nang nawalan ng kredibilidad si Ricaforte nang mabatid na noong November 2 ay nakatakda itong umalis patungong California, ayon sa rekord ng Ninoy Aquino International Airport. Itinanggi naman ito ng lawyer ni Ricaforte subalit ang rekord sa NAIA ay maliwanag na aalis nga ito. Bakit aalis ang witness na magpapatunay na hindi kasangkot si Estrada sa jueteng scandal? Lalo lamang lumalalim ang paghihinala.

Dapat na ring lumantad si Edward Serafio, isang lawyer na ayon kay Ricaforte ay binigyan niya ng P200 milyon. Si Serafio ay dating assistant secretary for political affairs sa Office for the President. Bakit hindi utusan ni Estrada na lumantad si Serafio upang linisin ang kanyang pangalan? Nasaan na rin ang dalawang kabataang babae na umano’y nag-withdaw ng pera sa Landbank? Bakit ayaw bumalik ng jueteng lord na si Bong Pineda?

Lumantad na ang dapat lumantad para linisin ang pangalan ni Estrada at nang hindi pagdudahang may itinatago sa taumbayan.

Show comments