Nagpatira ng 'ahas'

ANG letter ay galing kay Pepe Realto ng Marinduque.

Dalawampung taon na po ang nakararaan nang payagan ng aking mga magulang sina Mr. and Mrs. Molina na magpatayo ng kanilang kubo sa aming lupain. Hindi po pinag-isipan ng masama ng aking mga magulang sina Mr. Molina dahil parang kapatid na rin ang turing nila rito. Nang magpunta kaming lahat sa Amerika, ipinatago ng aking tatay kay Mr. Molina ang titulo ng lupa. Sina Mr. Molina na rin daw ang magbabayad ng buwis bilang kabayaran sa pag-upa ng lupa.

Umuwi na kami rito sa Pilipinas may limang buwan na ang nakararaan at sa Marinduque na muli kami maninirahan. Nang bisitahin namin ang aming lupa sa Marinduque, napansin naming meron nang nakatayong konkretong bahay. Hindi kami makapaniwala sa aming nakita. Nang tanungin ko si Mr. Molina, aniya’y kanila na ang lupa. Ipinalipat na nila ito sa kanilang pangalan dahil sila naman daw ang nagbabayad ng buwis. Nagkataon pong malakas sa judge ang mag-asawang Molina at nagawa nilang ipalipat ang titulo sa kanilang pangalan.

Ano po ang maaari naming gawin? Maaari pa ba namin mabawi ang titulo?


Ang maaari n’yong gawin ay mag-sampa ng ordinaryong aksiyon para sa reconveyance of property.

Kung ang ari-arian ng isang tao ay mai-rehistro sa maling paraan sa pangalan ng ibang tao ang tamang solusyon ay ang reconveyance of property. Ito ay maaaring gawin sa loob ng isang taon na bibilangin mula sa petsa ng decree. Ito ay maaaring gawin kapag ang ari-arian ay hindi pa napasa sa ‘‘innocent third party for value.’’ At upang hindi ito maipasa sa ‘‘innocent third party for value’’ at ma-preserba ang ‘‘claim’’ ng tunay na may-ari, annotasyon ng ‘‘notice of lis pendens’’ sa certificate ay gagawin sa pagsampa ng aksyon.

Ang pagsira ng tiwala ang magiging basehan ninyo sa pagsampa ng reconveyance. Kailangan ang tiwalang ito ay base sa fiduciary relation ng iyong mga magulang sa mag-asawang Molina, na dapat malinaw at matibay.

Kapag ang ari-arian ay nakuha dahil sa pagkakamali (mistake) o panlilinlang (fraud), ang taong nakakuha nito ay magiging trustee ng isang implied trust para sa benepisyo ng tao kung saan galing ang ari-arian. (Art. 1456, NCC). Ang aksyon dito ay maaaring masampa sa loob nang apat na taon galing sa pagkadiskubre ng panlilinlang (fraud).

Ano naman po ba iyong tinatawag nilang reconstitution of title?

Ang reconstitution of certificates ay ang pag-restora ng dokumento na sinasabing nawala (lost) o nasira (destroyed) sa orihinal na porma at kondisyon. Ito ay isinasagawa upang ma-reproduce ang nawawala o nasirang dokumento.

Show comments