Mula nang mabulgar ang jueteng scandal, nagmistulang barkong butas ang Estrada administration na pinapasok ng tubig. Nang magsalita si Estrada sa nationwide television noong Lunes ng gabi, nangako ng reporma si Estrada at nag-alok ng pakikipagkasundo sa Oposisyon. Sinabi ni Estrada na haharapin niya sa tamang panahon ang mga akusasyong ibinato sa kanya.
Subalit marami ang hindi naniniwala sa bagong pangako ni Estrada at maski ang Oposisyon ay patuloy na sumisigaw na bumaba sa puwesto si Estrada. Tila walang epekto ang panawagan ni Estrada. Kulang sa lalim at walang sinseridad. Isa pay may bahid din ng pananakot lalo pa nang magsalita sina Armed Forces Chief of Staff Angelo Reyes at Philippine National Police chief Director Panfilo Lacson.
Habang nakatutok ang taumbayan sa ginagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa alegasyon ni Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson na tumanggap ng P400 milyon si President Estrada sa jueteng, patuloy nga ang alingasngas sa Kongreso sa isinampang impeachment case kay Estrada. Nagiging masalimuot at marami ang humuhula na walang mararating ang kaso. Paano pa mababatid ang katotohanan sa likod ng jueteng scandal kung nauudlot ang mga Kongresista para ipagpatuloy ang kaso. Ang impeachment case na lamang ang tanging paraan upang mabatid ang katotohanan sa ibinulgar ni Singson. Subalit sa nangyayaring pag-uudlot-udlot ng mga kongresistang maka-administrasyon, paano masasaliksik ang katotohanang inaasam ng taumbayan. Kung walang mangyayari sa impeachment case, lalong mapipintasan ang Estrada administration at baka lalo pang mawalan ng tiwala ang taumbayang naghahangad ng liwanag sa kaso. Ang administrasyon din ang babagsakan ng sisi sa dakong huli. Huwag nang patagalin ang impeachment case.