Sign-chit kapalit ng kubra sa jueteng sa Cavite

Makapal talaga ang mukha ng mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nakabase sa Camp Pantaleon Garcia, Imus, Cavite dahil sa pag-inom ng alak at ka-table na chick na hindi nagbabayad sa mga diskuhan, KTV at club sa nasabing lalawigan.

Mukha yatang nilalapastangan na ang kautusan ni PNP chief Director Gen. Panfilo Lacson na nagbabawal na pumasok sa alinmang diskuhan, KTV at club ang sinumang miyembro ng pulis.

Nakarating sa OK ka Bata! ang hinayupak na ugali ng mga pulis na pawang miyembro ng CIDG ay walang inaatupag pagsapit ng dilim kundi ang omorbit sa mga club at diskuhan bago maglasingan pero hindi nagbabayad. Kumbaga sa utang ay ilista sa tubig. Ano ba naman ‘yan General Lacson at sa sariling lalawigan pa n’yo nagkakalat ng lagim ang mga tauhan ni Chief Insp. Rwin Pagkalinawan.

Ang masakit pa nito General Lacson, hindi lang P100 ang halaga ng nakain at nainom na alak kundi libong piso ang sign-chit at may pabaon pang barya-barya. Nakakahiya kayo!

Kaya tuloy, naapektuhan ang mga matitinong pulis at hanay ng kapulisan dahil sa bugok na CIDG na ultimong mga pobreng nagtitinda ng sigarilyo ay ginagatasan pa.

Hindi yata alam ni Chief Insp. Pagkalinawan ang ginagawa ang kanyang mga tauhan na inirereklamo ng mga may-ari ng diskuhan sa buong lalawigan ng Cavite.

Ayon sa mga nagrereklamong may-ari ng night club, wala naman daw silang illegal na show sa loob ng diskuhan, kumpleto naman ang mga working permit ng mga babae kung bakit daw sila ginaganito ng mga hinayupak na CIDG.

Mga kabayan ko sa Cavite, isa lang ang dahilan, kasi wala nang makubra sa sugal na jueteng sa Cavite kaya ang sinasalakay naman ay mga club at diskuhan. Mga anak kayo ng jueteng, magtrabaho naman kayo, sayang ang pasuweldo sa inyo ng taumbayan.
* * *
Sa sinumang may nalalamang anomalya at katarantaduhan ng mga pulis, opisyal ng gobyerno, teachers na nang-aapi ng kabataan sa kanilang lalawigan ay maaaring ipaabot sa OK ka bata! at mananatiling lihim ang inyong pangalan anuman ang mangyari.

Show comments