Noong aking kapanahunan, kumuha ako ng National College Entrance Examination (NCEE). Dibdiban ang pagsasanay na ginagawa ng mga estudyante noon para lamang makapag-aral sa kolehiyo. Ang ganitong apoy ng tiyaga at pagsisikap sa pag-aaral ay hindi na makikita sa mga mag-aaral. Ito siguro ang dahilan ng pagbaba ng antas ng ating edukasyon sa Asya.
Ngunit sa pagbabalik ng NEAT at NSAT, kailangang dagdagan ng Department of Education, Culture and Sports (DECS) ang kanilang atensyon sa mga pangangailangan ng mga guro at mag-aaral. Hanggang ngayon, kulang na kulang pa rin ang bilang ng mga aklat sa bilang ng mga estudyante; marami pa rin sa mga probinsiya ay wala pa ring sapat ng gusali; ang bilang ng mga silya sa estudyante ay kulang pa rin; at ang mga guro ay hindi pa rin nakapagbibigay ng wastong pagtuturo sa dami ng estudyanteng tinuturuan.
Kaakibat pa rin ng pagbibigay ng pagsasanay sa mga estudyante sa kanilang pagtatapos ang reporma sa pagbibigay ng magandang edukasyon sa ating mga mag-aaral.