"Im sorry it had come to this," ito naman ang sinabi niya noong Sabado sa kanyang radio/TV weekly program na patungkol din sa jueteng scandal na pinasabog ni Singson. May bahid ng katigasan sa tinig, sinabi nitong nagkamali aniya siya sa pagpili ng kaibigan at sinabi ring nagkamali ang gobyerno na baguhin ang kultura ng sugal sa bansa. Dahil sa ibinulgar ni Singson, isasapribado na ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR). Ipinag-utos na rin ni Estrada ang pagpapatigil sa mga sugal na jai alai, On-line Bingo, On-line casino at Bingo 2-Ball. Ang Bingo 2-Ball ang pinaniniwalaang pinagmulan ng away nina Singson at Charlie "Atong" Ang na kaibigang matalik din ni Estrada.
Mabuting kaibigan si Estrada at pinatutunayan ito nang maraming kaibigang nakapaligid sa kanya. Subalit ang mga kaibigan din niyang ito ang tila nagpapahamak sa kanya at nagdadala sa kanya sa putik ng kontrobersiya. Kaibigan niya ang kontrobersiyal na Philippine Airlines chairman at tobacco magnate Lucio Tan na kamakailay napawalang-sala sa tax evasion case; Best World Resources Corp.s Dante Tan na sangkot sa insider trading; at si Mark Jimenez na dating presidential adviser on Latin American affairs, na maraming kasong kinakaharap sa United States.
Nagkamali si Estrada kay Singson sa pagpili bilang kaibigan, subalit mas nagkamali yata siya kay Atong Ang. Kung hindi nagbulgar si Singson, hindi mabubuking ang "pagsipsip" umano ni Ang nang malaking pera sa PAGCOR bilang consultant at kakaunti ang napupunta sa kaban ng gobyerno. Kahit "pagkagahaman" ang ugat ng away nina Singson at Ang, lumalabas na "bayani" ang governor sa mata ng taumbayan. Huli na nang malaman ni Estrada ang kulay ni Singson at ngayoy nag-aabang ang taumbayan sa katotohanan ng ibinulgar ng matalik niyang kaibigan. Matuto na sana siyang kumilatis at dumistansiya na rin sa mga kaibigan.