OK ka Bata ! - Habang pinaliliit ang tiyan ng mga parak krimen sa Maynila'y tumataas

LUMALALA ang malalagim na krimen sa Maynila at karatig lungsod. Kahirapan ang pangunahing dahilan subalit may mga kagawad ng pulisya ring nasasangkot.

Katulad ng nangyari noong isang linggo. Inambush ang isang barangay chairman sa Intramuros, Maynila samantalang isang negosyanteng intsik naman ang niratrat sa harapan ng funeral homes. Kasunod ng dalawang krimeng ito ay ang malagim na masaker ng tatlo katao sa Ermita, Maynila.

Isa sa dahilan nang paglala ng krimen sa Maynila at mga karatig lungsod ay ang pagbibigay ng atensiyon ng PNP officials sa physical fitness para mapaliit ang bundat na tiyan. Imbes na pagsugpo sa krimen, pagtugis sa mga kilabot na holdapers at cellphone gang, natutuon ang atensyon ni PNP Chief Panfilo Lacson sa physical fitness.

Katulad nang nangyaring masaker noong Biyernes sa Ermita, Maynila. Umaga naganap ang krimen sa tindahan ng cellphone at print shop. Walang nakarinig ng putok o nakasaksi nang lumabas ang mga suspek sa tindahan ng cellphone.

Nagtatanong ang taumbayan sa Western Police District Office (WPDO). Nasaan ang mga nagpapatrulyang mobile car, bike patrol na tagapagtanggol ng masa. E, di nagpapaliit ng tiyan upang hindi masibak sa puwesto. Walang seguridad ang mga estudyante at trabahador na naglalakad sa mga eskinita sa Maynila at nabibiktima ng mga halang ang kaluluwa.

Huwag n’yong ikatwiran NCRPO Director Edgar Aglipay sa taumbayan na isolated case na naman ang nangyaring masaker at siguradong maghahalakhakan ang mga hinayupak na suspek. Walang ibang naririnig na pahayag sa kapulisan kundi nag-iimbestiga kapag may nagaganap na krimen. Hanggang imbestiga lang yata at walang resulta saka sasabayan pa nang papoging pahayag ni Manila Mayor Lito Atienza na tugisin ang mga suspek.

Siyempre naman Mayor at kapag nasakote ang mga suspek ng magigiting at maliliit na tiyan ng pulis-Maynila ay ihaharap sa inyo upang mag-litra-litratuhan bago ipapa-press release. Bingo! Puwede na kayong matalo sa darating na election. Wala na bang ibang eksena sa Manila City Hall.

Halos lahat yata ng mga pulis na nagpapatrulya sa mga eskinita at kalsada sa Maynila ay nasa Fort Bonifacio, Taguig at nagpapaliit ng tiyan habang ang mga holdapers at sindikato ng cellphone gang ay namamayagpag sa kanilang modus operandi.

Aksyon na PNP Chief Panfilo Lacson at NCRPO Gen. Aglipay, bago mahuli ang lahat. Baka puwedeng isantabi muna ang pagpapaliit ng tiyan at ang asikasuhin ay pagpapaliit ng bilang ng krimen.

Show comments