Sa gabi ay aliw na aliw siya sa dilim. Lalo na at pinipikit ang mata. Bakit walang pagkakaiba kung ako ay nakapikit o nakadilat? Parehong madilim at wala akong makita.
Pagbaba ng araw sa dulo ng dagat ay tinatanong niya, Sa anong punto natatapos ang araw at kailan nagsisimula ang gabi? Kung nasa bahay ay madaling sagutin. Pag nag-switch ng ilaw ay araw na. Pag pinatay ang switch ay gabi na. Kung maliwanag ang bombilya ay araw. Pag pinatay ang bombilya ay gabi na.
Kailan po natatapos ang gabi at kailan nag-uumpisa ang araw? tanong niya sa ina habang kumakain sila ng almusal.
Anak, pagnaaninag mo ang mga linya sa iyong palad ay araw na, sagot ng ina.
Sa paaralan ay hindi mapigilan ng binatilyong tanungin ang kayang paboritong guro. Hinintay niyang matapos ang klase at saka nagtanong. Kailan po ninyo itinuturing na ang araw ay lumipas na at gabi na?
Hindi nasiyahan ang binatilyo sa narinig na paliwanag. Pumunta sa marunong na matanda sa karatig nayon. Tanong niya: Pag naaninag ko ang mata ng tao ay araw na po ba?
Tumugon ang marunong na matanda, Pagnasalubong mo ang kapwa at sa kanyang mata ay hindi mo nakita ang kabutihan, kahit maliwanag ay kadiliman pa rin.
Pag nagkita kayo ng isang tao at sa kanyang mata ay hindi mo nakita ang kapatid mo, kahit na may araw ay gabi pa rin at ikaw ay nasa madilim.
Pag nakakita ka ng isang nilalang at hindi mo nakita ang kanyang pangangailangan, kahit na araw na ay gabi pa rin ang iyong kapaligiran at nasa kadiliman ka.