Sumingaw ang tungkol sa jueteng nang hulihin si Singson sa isang traffic violations at paggamit ng blinker noong Martes ng gabi sa kanto ng T.M. Kalaw St. at Taft Avenue sa Maynila. Nagalit si Singson sa paghuli sa kanya at sinabi nitong hina-harass siya dahil sa pagkontra niya sa Bingo 2-Ball operations sa kanyang probinsiya. Ang nasa likod aniya ng harassment ay si Charlie "Atong" Ang, matalik ding kaibigan ni Estrada at consultant ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR). Ang Bingo 2-Ball ang bagong sugal na inilunsad ng PAGCOR para "patayin" ang jueteng.
Matindi ang akusasyon ni Singson na pati pamilya ni Estrada ay idinadawit nito sa gambling operation. Sa radio interview kahapon, may tinig ng pagbabanta si Singson na ibubulgar pa niya ang lahat ng kanyang nalalaman sa jueteng. Ang pagbubunyag ni Singson ay lalo lamang naglantad sa katalamakan ng sugal na ito na pinagkakakitaan nang malaking pera ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan. Kumikita ang mga congressmen, governor, mayor at police officials sa operasyon ng jueteng. Kung may katotohanan ang ibinunyag ni Singson, malaki itong kasiraan sa Estrada administration. Lalo pa ngat nagkaroon ng utos si PNP chief Director Panfilo Lacson na dakpin ang mga bigtime gambling operators sa bansa na pinangungunahan ni Bong Pineda. Nakapagtatakang biglang nawala ang tapang ni Lacson dito. Minsan namay nakipagpulong pa si Executive Secretary Ronaldo Zamora sa mga bigtime jueteng operators.
Hindi mapapatay ng Bingo 2-Ball ang jueteng at ang mangyayariy lalo pa itong lalakas. Tutol si Singson sa Bingo 2-Ball ng PAGCOR at hindi mahirap kung mag-operate siya ng jueteng. Ganito rin ang mangyayari sa iba pang lugar. Habang may ginaganap na Bingo 2-Ball sa mga plaza, palihim namang may nagbobola ng jueteng. Ang mangyayariy dalawa ang sugal na magpapahirap sa kapus-palad na mga mahihirap. Wala kasing maisip na ibang paraan ang pamahalaan na pagkunan ng ikabubuhay. Nakadepende lagi sa sugal ang lahat. Anak ng jueteng naman!