Kabaong posibleng ginamit sa drug smuggling - DILG
MANILA, Philippines — Malaki ang hinala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ginagamit ang mga kabaong sa mga air ambulance service upang magpuslit ng ilegal na droga patungo sa Pilipinas.
Ito ang inihayag ni DILG Secretary Jonvic Remulla na posibleng matagal nang ginagawa ng pilotong si Rioklyn “Boyet” Toledo ang taktikang ito.
Ang hinalang ito ay umusbong matapos ang imbestigasyon sa isang malaking operasyon ng drug smuggling mula sa ibang bansa.
Ayon kay Remulla, sa pagsusuri ng mga otoridad na may mga nakaraang biyahe si Toledo sa Thailand at Malaysia na “nagsundo” umano ng mga bangkay.
Hinala ng mga imbestigador, itinatago ang droga sa loob ng mga kabaong upang makalusot sa inspeksiyon sa paliparan.
Itinuturing na person of interest si Toledo sa imbestigasyon sa 521 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3.5 bilyon na nasamsam sa Laos at umano’y nakatakdang ipasok sa Pilipinas.
Ayon kay Remulla, si Toledo rin ang kumuha umano ng pribadong eroplano mula Malaysia na ginamit sa operasyon.
Nauna nang itinanggi ni Toledo ang mga paratang laban sa kaniya at sinabing kusa siyang humarap sa mga otoridad para makipagtulungan sa imbestigasyon.
Pinaghihinalaang nagpondo sa operasyon si dating Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliament member Sultan Edrieza Nasser Rimbang.
Idinagdag pa ni Remulla, kumpiyansa ang mga imbestigador sa kanilang nakalap na ebidensiya, bagama’t wala pang kasong isinampa laban kay Rimbang kaugnay ng shipment.
- Latest


















