Sadistang mister, kinatay ni misis!

Humingi ng tubig, hinataw ng silya
AROROY, Masbate, Philippines — Patay ang isang mister matapos tadtarin ng saksak ng kanyang misis na magsasaka na napuno na sa pananakit nito sa gitna ng kanilang huling engkwentro dahil lang sa “inuming tubig” sa loob ng kanilang tahanan sa Brgy. Calanay, Aroroy, Masbate kamakalawa.
Malalalim na saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang agarang ikinasawi ng biktima na si alyas “Boyet”, 49-anyos.
Nakakulong na at nahaharap sa kasong parricide ang naarestong misis na si alyas “Eden”, 49-anyos, magsasaka; kapwa residente ng naturang lugar.
Sa ulat, alas-5 ng hapon nang umuwi galing sa pagtatrabaho sa kanilang sinasaka ang ginang at dinatnang lasing ang kanyang mister. Humingi umano siya ng tubig sa mister pero sa halip na tubig ang ibigay sa kanya ay kumuha ng silya ang huli at ihinataw ito sa asawa.
Dito na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-asawa.
Hindi pa umano nakuntento ang lalaki, kumuha ng tubo na bakal at sinubukang hambalusin ang asawa pero nang nakorner sa sulok ay dito na bumunot ng dalang patalim ang misis at ilang ulit na pinagsasaksak ang mister sa iba’t ibang bahagi ng katawan na agaran nitong ikinasawi.
Madaling araw na nang malaman ng mga pulis ang insidente na agarang nagresponde sa lugar at inaresto ang misis na hindi naman tumakas. Unang sumuko ang ginang sa opisyal ng barangay at itinurn-over ang patalim na kanyang ginamit sa pananaksak sa mister.
- Latest


















