Labandera, ‘di nagpautang ni-rape/slay ng 2 adik
Bangkay isinilid sa sako, itinapon sa sapa
MANILA, Philippines — Isang 33-anyos na ginang na nagtatrabaho bilang labandera ang ginahasa at pinatay bago isinilid sa sako ng dalawang drug addict at itinapon sa sapa ng Hacienda Santa Catalina, Brgy. Dos Hermanas, Talisay City, Negros Occidental, kamakailan.
Ang biktima ay isang 33-anyos na nagtatrabahong labandera sa farm na pinagtatrabahuhan din ng dalawang drug addict na trabahador ay iniulat ng live-in partner nito na nawawala noon pang Oktubre 8 matapos na magtungo sa sapa para maglaba.
Sa report ng Talisay City Police, nadiskubre ang krimen noong Martes ng gabi matapos itong ireport ng dalawang trabahador sa farm na may masangsang na amoy mula sa sapa.
Nagresponde ang mga otoridad at nadiskubre ang sako na pinagsidlan sa bangkay ng biktima sa batuhan sa nasabing sapa.
Naghinala ang pulisya kung paanong nakita ng dalawang trabahador na may isang kilometro ang layo ng sapa sa farm na pinagtatrabahuhan ng mga ito.
Kaya’t ang dalawa ay naging ‘persons of interest’ at nang imbestigahan ng pulisya ay napilitang umamin na sila ang nasa likod ng krimen.
Lumilitaw sa imbestigasyon, na hindi pinautang ng biktima ang dalawang suspect na siyang naging motibo para gahasain at patayin.
Umamin ang mga ito sa mga pulis na sila ay nasa impluwensya ng droga nang isagawa ang krimen.
Nahaharap ang dalawa ng kasong murder at rape.
- Latest


















