Kagawad nakumpiskahan ng shabu, arestado

CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Arestado ang isang barangay kagawad makaraang makumpiskahan ng umano’y hinihinalang shabu sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa Barangay Poblacion 7, Catanauan, Quezon kamakalawa ng umaga.
Ayon kay Quezon Police Provincial Office ( QPPO) Director PCol.Romulo Albacea, hindi muna inilabas ang pangalan ng suspek na ng 36-anyos.
Sa ulat ng Catanauan Municipal Police Station (MPS), isinagawa ng Municipal Drug Enforcement Team ang search warrant operation dakong alas-6:38 ng umaga sa bisa ng kautusan mula sa Regional Trial Court Branch 96, Catanauan, Quezon.
Sa operasyon na pinangunahan ni Police Major Raymund Alfred S. Osea, hepe ng Catanauan MPS, at sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nakuha umano mula sa suspek ang apat na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Tinatayang nasa kabuuang 0.517 gramo ang bigat ng nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga na may standard drug price na humigit-kumulang P3,515.
Nasa kustodiya ng Catanauan Police ang suspek habang isinasailalim sa proseso ang mga nakumpiskang ebidensya na dadalhin sa Quezon Provincial Forensic Unit para sa laboratory examination.
- Latest



















