Vice mayor ng Tayabas City sinuspinde ng Ombudsman
TAYABAS CITY, Philippines — Sinuspinde ng Office of the Ombdusman si Tayabas City, Quezon Vice Mayor Rosauro Dalida.
Sa kautusan ng Ombudsman, anim na buwan at isang araw ang suspensyon na ipinataw kay Dalida dahil sa “administratively liable for Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service”.
Dahil dito, agad ipinatutupad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang suspensyon ni Dalida at aakto bilang vice mayor ng Tayabas City si First Councilor Dino Romero.
“He is hereby meted the penalty of Suspension of Six (6) months and one day Without Pay pursuant to Section 5, rule VI, administrative Order No. O1.Series of 2026, in relation to Section 25 of Republic Act No. 6770,” ayon sa kautusan ni DILG Regional Director Ariel Iglesia.
Ang kaso ay nag-ugat sa reklamo ni retired Ambassador Fortunato Oblena matapos masira ang kanyang mga tanim na niyog at iba pang puno dahil sa konstruskyon ng kalsada na proyekto ni Dalida noong Pebrero 2024.
Sa salaysay ni Oblena, kaagad siyang nagtungo sa lupang kanyang pag-aari at nakumpirma na mayroong road construction na 200 metro ang haba at hindi siya sinabihan dito bago gawin ang proyekto. Nadiskubre rin niya na ang nasabing proyekto ay para magbigay daan sa isang property na nabili ni Dalida na kanyang dini-develop para sa commercial housing project at maka-attract ng mga buyer.
Para umano ma-justify ang konstruksyon ay hinikayat pa ng Bise Alkalde ang Brgy. Council ng Camaysa, Tayabas City na magpasa ng resolusyon kahit hindi ito inaprubahan ng DENR at DPWH.
- Latest























