Bagong laya, nang-hostage para makulong ulit
Walang bahay
MANILA, Philippines — Dahil walang bahay na matutuluyan, isang 43-anyos na bagong laya ang nanghostage ng isang 52-anyos na babae upang makulong sa Mandaluyong City nitong Miyerkules ng umaga.
Ayon sa Eastern Police District (EPD) si alyas “Ed” ay nakatakdang isailalim sa inquest proceedings sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office sa kasong serious illegal detention at paglabag sa Batas Pambansa Blg. 6 o illegal possession of deadly weapon.
Naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng umaga sa isang apartment sa Pantaleon St., Brgy. Barangka Drive. Agad rumesponde ang mga tauhan ng Mandaluyong City Police Station, kabilang ang SWAT, Tactical Motorcycle Riding Unit at Criminal Investigation Unit, matapos ireport ng apartment manager ang hostage-taking.
Wala umanong kaugnayan ang suspek sa biktima at sa gitna ng negosasyon ay humingi pa ito ng pagkain at sinabing nais niyang umuwi sa Bulacan. Kalaunan, sinabi umano nitong ginawa niya ang hostage-taking upang makabalik sa kulungan at may matirhan.
Napasuko rin ang suspek at nakumpiskahan ng isang fan knife. Inaalam pa ng pulisya ang kanyang kalagayan matapos niyang sabihin na murder ang kanyang dating kaso at sangkot siya sa pagpatay kay dating senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr.
Gayunman, lumilitaw sa rekord na illegal drugs ang kinaharap niyang kaso.
- Latest
















