Knights sisimulan pagresbak vs Altas

MANILA, Philippines — Inaasahang babangon ang Colegio de San Juan de Letran matapos mabigo sa nagharing San Beda University sa nakaraang Season 101 NCAA championship series.
Bubuksan ng Knights ang kanilang kampanya sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament sa pagharap sa University of Perpetual Help System DALTA Altas ngayong alas-4 ng hapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Sa unang laro sa alas-2 ng hapon sisimulan ng Red Lions ang pagtatanggol sa korona laban sa College of St. Benilde Blazers.
Si Rookie at Freshman of the Year Titing Manalili ang muling babandera sa Letran kasama sina Jimboy Estrada, Kevin Santos, George Diamante at Chad Gammad.
Itatapat ng Perpetual sina Mark Gojo Cruz, LA Casinillo at Kurt Nathan Velasquez.
Samantala, inaasahang magiging paboritong manalo ang San Beda laban sa St. Benilde na maglalaro na wala ang may injury na si reigning MVP Allen Liwag.
Wala naman sa defending champion sina Janti Miller, lumipat sa La Salle sa UAAP, at ang mga PBA rookies na sina Yukien Andrada, Season 101 Finals MVP Bryan Sajonia at big man Joe Celzo.
Muling makakasama ng Beda at CSB sa Group A ang JRU, Lyceum at Mapua. Nasa Group B ang Letran, Perpetual, Arellano, Emilio Aguinaldo College at San Sebastian.
- Latest






















