Imago (100)
PUMUTOK ang control panel at mabilis na bumagsak ang ginupit na bakal ng gate, bukas na ang sapat na espasyo para sa kanilang pagtakas. Walang pag-aalinlangang pinitik ni Maya ang throttle at nabuhay ang makina ng bangka.
Umingay ang dambuhalang makina at mabilis na umabante ang bangka.. Sa itaas ng catwalk, mabilis na nagpaputok ang mga armadong tauhan ni Nelson.
Tumama ang mga bala sa bakal na gilid ng bangka at sa tubig. Nakatayo pa rin si Nelson sa ilalim ng spotlight, may ngiti habang pinanonood ang kanyang pag-alis.
“Hindi ka makalalayo, Maya!” sigaw ni Nelson na umalingawngaw sa buong yungib.
Habang lumalabas ang bangka sa makipot na bunganga ng daungan, itinaas ni Maya ang kanyang baril. Hindi niya itinutok ang huling bala kay Nelson, sa halip, itinutok niya ito sa malaking pulang tubo ng gasolina na nakakabit sa pader ng dambuhalang water outlet.
BANG!
Sumabog ang tubo at mabilis na kumalat ang umaapoy na krudo sa ibabaw ng tubig sa bunganga ng daungan. Isang dambuhalang pader ng apoy ang pumagitna sa pagitan ng bangka ni Maya at ng mga motorboat ng mga tauhan ni Nelson na susunod sana sa kanila.
Nahagip ng mga mata ni Maya ang huling tanawin ng nawawalang ngiti sa mukha ni Nelson habang nilalamon ng usok at apoy ang buong yungib.
Tumalon ang bangka nila sa malalaking alon ng dagat, mabilis na lumalayo mula sa nasusunog na Drydock 4.
Nakalabas sila. Hawak ang timon, pinihit ni Maya ang compass ng bangka patungong hilaga. (Itutuloy)
- Latest















