Eala pasok sa Us Open 3rd round

MANILA, Philippines — Muling inilabas ni Alex Eala ang bagsik nito upang mabilis na patalsikin si Oleksandra Oliynykova ng Ukraine, 6-1, 6-4, para magmartsa sa third round ng US Open kahapon sa Louis Armstrong Stadium sa USTA Billie Jean King Center sa Flushing Meadows, New York.
Tuloy ang matikas na ratsada ni Eala na agad na bumulusok sa first set para makuha ang 1-0 lead.
Tanging nagawa ni Oliynykova ang maitabla sa 3-3 ang second set bago maglatag si Eala ng 3-1 run upang matamis na kunin ang panalo.
Tumagal lamang ang laro ng 63 minuto.
“I was pleased with my patience and my consistency of focus. That was the key to winning the match,” ani Eala.
Muling naging armas ni Eala ang serve nito matapos magtala ng winning percentage na 75 sa first serve at 73 sa second serve.
Nakakuha rin ito ng limang break points.
Sunod na makakasagupa ni Eala ang kaibigang si Iva Jovic ng Amerika sa third round.
Nanalo si Jovic kay Franchesca Jones ng Great Britain sa hiwalay na second round match (6-4, 6-4).
Ito ang ikatlong beses na maghaharap sina Eala at Jovic.
Hawak ni Jovic ang 2-0 head-to-head advantage laban kay Eala.
Nagwagi si Jovic sa kanilang unang paghaharap sa first round ng French Open noong Mayo sa Paris, France kung saan naitala nito ang 6-4, 6-2 panalo laban kay Eala.
Wagi rin si Jovic sa exhibition match ng US Open kamakailan sa iskor naman na 6-3.
Kaya naman inaasahang gigil si Eala na mabawi sa pagkakataong ito.
Isasantabi muna ni Eala ang pagkakaibigan upang makahirit ng tiket sa fourth round.
Muling sumaludo si Eala sa Pinoy fans na dumagsa sa venue.
“I think everybody represents something in their own way. I am Filipino and I proudly represent that,” ani Eala.
Masaya ito na nadadala nito ang bandila ng Pilipinas sa international stage kasama ang mga kababayan nitong walang sawa sa pagsuporta sa kanya.
- Latest





















