Mabigat na parusa sa Clippers
NEW YORK -- Mabibigat na parusa ang ipinataw ng NBA sa Los Angeles Clippers—kabilang ang pagkawala ng limang future first-round draft pick, multang $30 milyon at isang taong suspensyon para sa may-ari na si Steve Ballmer.
Ito ay dahil sa paglabag ng Clippers sa mga alituntunin laban sa pag-iwas sa salary cap sa isang kasong kinasasangkutan ni star forward Kawhi Leonard.
Sinabi ng NBA sa imbestigasyong tumagal nang halos isang taon “found a pattern of misconduct and multiple significant rules violations by the Clippers organization, a prior offender of the salary cap circumvention rules.”
Dati na ring lumabag ang koponan sa mga patakaran laban sa pag-iwas sa salary cap.
Dahil dito, kailangang isuko ng Clippers ang kanilang mga first-round draft pick para sa mga taong 2029, 2030, 2031, 2032, at 2033.
Bukod pa ito sa multang $30 milyon at pagsuspinde kay Ballmer sa lahat ng aktibidad ng liga at ng koponan sa loob ng isang taon dahil sa sadyang pagtulong kay Leonard na makakuha ng mga oportunidad para kumita sa labas ng basketball court.
Sinuspinde naman nang walang sahod sa loob ng isang taon si Gillian Zucker, ang presidente ng business operations; at sinuspinde rin nang walang sahod sa loob ng anim na buwan si Lawrence Frank, ang presidente ng basketball operations.
Si Leonard, ang two-time NBA Finals MVP ay hindi pinatawan ng suspensyon ngunit kailangang bayaran ang liga ng $700,000.
- Latest





















