PVL Invitational crown target ng Cool Smashers

MANILA, Philippines — Determinado ang Creamline na muling mapasakamay ang Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference crown.
Huling naisuot ng Cool Smashers ang nasabing titulo noong 2024 kung saan nila tinalo ang Cignal HD Spikers matapos pagreynahan ang nasabing torneo noong 2022 laban sa guest team KingWhale Taipei.
Pupuntiryahin ng Creamline ang kanilang ika-12 titulo sa paghataw ng 2026 PVL Invitational Conference bukas sa Smart Araneta Coliseum.
Unang makakatapat ng Cool Smashers, itatampok ang nagbabalik na si Jaja Santiago (Sachi Minowa), ang Nxled Chameleons sa ganap na alas-4 ng hapon matapos ang upakan ng nagdedepensang PLDT High Speed Hitters at guest squad EST Cola ng Thailand sa ala-1:30 ng hapon.
Sa huling laro sa alas-6:30 ng gabi ay magtutuos ang Farm Fresh Foxies at guest team Ho Chi Minh City ng Vietnam.
Matapos ang maikling 2026 PVL On Tour ay tuloy-tuloy ang naging preparasyon ng Creamline na nagmula sa pagkopo sa PVL All-Filipino Conference crown laban sa Cignal.
“I think we handle it by training harder and smarter, especially now. We also really need to keep communicating because we have new teammates fitting into an established system,” ani Cool Smashers team captain Alyssa Valdez. “Constant communication is key.”
Bukod kina Valdez at Santiago ay muli ring aasahan ng Creamline sina Jema Galanza, Tots Carlos, Pangs Panaga, Bea De Leon at Kyle Negrito.
- Latest















