Clarkson pinuri si Sotto
MANILA, Philippines — Hanga si New York Knicks star Jordan Clarkson sa mahusay na inilaro ni Kai Sotto sa 82-81 overtime win ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup Asian Qualifiers second round na ginanap sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Inilabas ni Sotto ang bagsik nito sa kanyang pagbabalik sa Gilas Pilipinas nang magpasabog ito ng 18 puntos kasama ang 14 rebounds at dalawang blocks.
Pinaka-importanteng block na nagawa ni Sotto ang solidong pagbutata kay Jordan Abdullah Olajuwon na magtatangka sanang makuha ang panalo sa huling sandali ng laro.
Kaya naman nakuha nito ang atensiyon ni Clarkson na kasalukuyang nasa New York.
Nagpost si Clarkson sa kanyang social media kung saan pinuri nito ang matikas na laro ni Sotto.
“Kai Sotto cook up! my guy,” ayon sa post ni Clarkson.
Naging teammates na sina Clarkson at Sotto sa Gilas Pilipinas na sumabak sa 2023 FIBA World Cup na ginanap sa Maynila.
Usap-usapan sa social media na maglalarong muli si Clarkson sa FIBA World Cup sakaling magkwalipika ang Pilipinas para sa 2027 edisyon ng torneo.
Ngunit wala pang pormal na anunsiyo ang kampo ni Clarkson tungkol dito maging ang Samahang Basketbol ng Pilipinas.
Nagkita rin sina Clarkson at Alex Eala sa US Open sa New York.
May post din si Clarkson ng larawan kasama si Eala sa kanyang social media.
- Latest





















