Pangulong Marcos admin, nakabawi sa satisfaction rating - SWS
MANILA, Philippines — Matapos ang record low noong Marso ay nakabawi ang administrasyon ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na satisfaction rating sa isinagawang survey ng Social Weather Stations (SWS) na umakyat ng 14 puntos noong Hunyo.
Ang resulta sa inilabas kahapon ay nasa 42% ng adult Filipinos ang nagsabi na satisfied o kontento sila sa performance ng administrasyong Marcos habang 40% naman ang nagsabi na hindi sila satisfied at nasa 17% naman ang undecided.
Kung pagsasamahin, ang naturang net satisfaction rating ay +1, o ikinaklasipika bilang “neutral” ng SWS.
“This is a 14-point recovery from poor -13 in March 2026, which was a record-low for the Marcos, Jr. administration and the lowest in 16 years since the bad -45 in March 2010 under the Arroyo administration,” anang SWS.
Binigyan din ng mga Pinoy ang administrasyong Marcos ng “very good” rating sa pagkakaloob sa mga kabataan ng basic education (+68), gayundin sa pagpapahusay ng kalidad ng edukasyon ng mga kabataan (+58).
Nasiyahan din ang mga respondents sa performance ng pamahalaan sa pagtulong sa mahihirap (+52) at pagbuo ng mga polisiya na lilikha ng oportunidad sa trabaho (+51).
Moderate naman ang naging performance ng Marcos administration sa pagtiyak na wala ng pamilya ang magugutom at walang makain (+26), paghahanda para sa climate change-driven problems (+24), at pangangalaga sa mga Pinoy sa mga war-torn countries sa Middle East (+15).
Neutral naman ang mga respondents sa performance ng administrasyon pagdating sa paglikha ng solusyon sa fuel crisis (net zero), pagtiyak na hindi makakapanamantala ang mga kumpanya ng langis sa presyo ng petrolyo (-6) at paglaban sa krimen na nambibiktima ng mga ordinaryong mga mamamayan (-8).
- Latest

















