Apoy sa Balsa (48)
BUKOD sa stress sa trabaho, ilang linggo nang hindi nakatutulog nang maayos si Rhea, ito ay dahil sa matinding pangamba sa kaniyang inuupahan na condo.
Ang dating nakatira sa katapat na unit ay isang banyagang medyo bastos at walang respeto sa personal space. Madalas itong nakatambay sa hallway nang nakahubad ang pantaas, nag-aabang sa kaniya, at nagbibigay ng mga nakatatakot na hirit sa tuwing uuwi siya nang gabi. Kaya nang mabalitaan niyang lumipat na ito at may bagong uupa sa unit, natatakot siyang baka mas malala pa ang kasunod na lilipat.
Nang gabing iyon, gabing-gabi na nakauwi si Rhea mula sa opisina. Pagliko niya sa hallway, napahinto siya. Nakabukas nang bahagya ang pinto ng katapat na unit. May mga ingay ng mabibigat na yabag sa loob at may mga kahon sa labas. Nanginig ang kamay ni Rhea sa kaba. Nandito na ang bagong tenant.
Dali-dali siyang tumakbo patungo sa kaniyang pinto, mabilis na itinapat ang keycard, pumasok sa loob, at agad na isinara at kinandado ang dead bolt ng kaniyang pinto. Sumandal siya sa pintuan habang mabilis ang kabog ng kaniyang dibdib. Ilang minuto lang ang lumipas, narinig niya ang dalawang malakas na katok sa kaniyang pinto.
“Knock, knock.”
Napatakip ng bibig si Rhea. Pinatay niya ang lahat ng ilaw sa kaniyang sala at nanatiling walang kagalaw-galaw sa dilim, nagdarasal na umalis na kung sinuman ang kumatok. Pagkalipas ng ilang minutong nakatutulalang katahimikan, narinig niya ang paglakad ng mga paa pabalik sa kabilang unit at ang paglapag ng pinto.
Nakahinga nang maluwag si Rhea, ngunit mabilis ding napalitan iyon ng matinding gutom. Pagbukas niya ng kanyang refrigerator—walang kahit ano. Ni isang bote ng tubig o instant noodles, wala. Dahil sa matinding pagod sa mga nakalipas na araw, nakalimutan niyang mag-grocery. Kumukulo na ang kanyang tiyan. Hindi siya makatutulog nang ganito.
Huminga siya nang malalim, isinuot ang kanyang hoodie, at nagdesisyong bumaba muna sa 24-hour convenience store sa ground floor. Lumabas siya nang napakatahimik, mabilis na sumakay sa elevator, at bumili ng panawid-gutom—dalawang cup noodles, isang pakete ng tsitsirya, at dalawang can ng juice. Habang pabalik sa kaniyang floor, nakatitig si Rhea sa numero ng elevator habang umaakyat ito. 12... 13... 14.
Bumukas ang pinto. Mabilis na humakbang si Rhea palabas patungo sa madilim at tahimik na hallway.
Ngunit bago pa man siya makalayo sa elevator, narinig niya ang mabilis na yabag ng mga paa mula sa kaniyang likuran. May sumusunod sa kaniya.
(Itutuloy)
- Latest

















