Nelle biyaheng NLEX na

MANILA, Philippines — Biyaheng NLEX na si Evan Nelle mula sa Phoenix matapos aprubahan ng PBA ang one-one-trade kahapon sakto sa pagbubukas ng PBA Season 50 Governors’ Cup bukas sa Ynares Sports Center sa Antipolo.
Bilang kapalit ay makukuha ng Phoenix si Sydney Onwubere mula sa NLEX sa mando ng bagong head coach na si Jimmy Alapag.
Ang trade kay Nelle ang unang galaw ni Alapag matapos italaga bilang kapalit ni coach Jong Uichico noong nakaraang linggo upang gabayan ang NLEX.
May koneksyon si Alapag at Nelle dahil matatandaang si Alapag mismo ang nagsanay kay Nelle noong 2024 bago ang pagpasok ng La Salle guard sa PBA season 49 Rookie Draft.
Noon ay nasa Amerika pa si Alapag bilang bahagi ng coaching staff ng Sacramento Kings sa G-League at sa NBA bago ang homecoming sa PBA, kung saan isa siya sa 50 PBA Greatest Players.
Dahil doon ay napili si Nelle bilang 14th overall pick ng NorthPort (Titan Ultra na ngayon) sa naturang draft class subalit isang taon season lang nakapaglaro sa Batang Pier.
Nalipat siya sa Phoenix sa three-team trade kasama ang Converge bago mapunta sa kanyang ikatlong koponan noong nakaraang taon.
Tanyag ang 5-foot-11 guard na si Nelle bilang isa sa natatanging collegiate players na nakasikwat ng parehong titulo sa UAAP para sa La Salle at sa NCAA para sa San Beda.
Makakapares ng 28-anyos na si Nelle ngayon sa NLEX backcourt sina ace guards Robert Bolick at L-Jay Gonzales na inaasahang lalong sisibol sa gabay ni Alapag bilang isa sa greatest point guards hindi lang sa kasaysayan ng PBA kundi sa Gilas Pilipinas.
Ang Phoenix naman ang magiging ikalimang koponan ng 32-anyos na si Onwubere.
- Latest



















