‘Walis’ (Part 17)
“BAKIT parang nagulat ka Divina? Sinong nakita mo?” tanong ng asawa kong si Brent habang nasa kotse kami. Ihahatid niya ako sa school na aking pinaglilingkuran.
“Yung dalagita, Brent,’’ sabi ko.
“Ano yung dalagita?”
“Marami siyang bakas ng walis tingting sa braso. Parang katulad ng mga bakas ng walis sa braso ko noon.”
“Ah,’’ nasabi lamang ni Brent.
Nang muli naming tingnan ang dalagita ay malayo na ito.
“Palagay ko minamaltrato ang dalagitang yun—malakas ang kutob ko.”
Hindi na nagsalita si Brent.
Inihatid na niya ako sa school.
KINABUKASAN, ganunding oras, muli nilang nakita ang dalagita sa kalsada na kinakitaan kahapon.
Nagtitinda ng sampaguita ang dalagita.
“Bibili ako ng sampaguita, Brent.”
“Sige pakyawin mo na para hindi na mag-alok nang mag-alok ang dalagita. Baka masagasaan pa siya.”
Binuksan ko ang bintana ng kotse at tinawag ang dalagita.
“Ne, halika,’’ sabi ko.
Lumapit ang dalagita.
“Sampaguita po Mam?”
“Magkano lahat ‘yan?”
“Two hundred po, Mam.”
“Bilhin ko na lahat.”
“Salamat po!”
Iniabot sa akin lahat ang sampaguita. Binayaran ko. Limangdaan ang ibinigay ko.
“Huwag mo na akong suklian,” sabi ko.
Hindi makapaniwala ang dalagita. (Itutuloy)
- Latest