Mt. Bulusan nakaambang pumutok!
SORSOGON CITY, Sorsogon , Philippines — Nagsagawa ng agarang emergency meeting kahapon ang Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction Management Council, anim na MDRRMO, kasama ang mga kinatawan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs)-Sorsogon Observatory Station at iba pang sangay ng gobyerno bilang paghahanda matapos makitaan ng biglaang pagtaas ng indikasyong puputok ang Mt. Bulusan sa lalawigang ito kahapon.
Pinangunahan ang pagtitipon ni Provincial Administrator Franco Eric Ravanilla at Engr.Raden Dimaano ng Sorsogon-PDRMMO.
Sa datos na iprinisinta sa kanila ng Phivolcs-Sorsogon, unang naitala ang pagtaas ng seismic activity ng Bulkan Bulusan noong Biyernes na umabot sa 49 volcanic earthquakes at pagkakaroon ng short term inflation ng katawan ng bundok na nananatili pa sa alert level 1.
Kahapon sa loob ng 24-oras na obserbasyon ay biglang umabot sa 437 ang naramdamang pagyanig kung saan 137 sa naganap na volcanic earthquakes ay naitala mula hatinggabi noong Biyernes hanggang kahapon ng umaga. Umakyat din sa 527 tonelada bawat araw batay sa sukat noong Nobyembre 9 ang ibinugang asupre o sulfur dioxide emission.
Maliban sa paghahanda na ng lalawigan at mga bayang posibleng maapektuhan sa madaliang paglilikas ng mga residente sakaling biglang pumutok ang bulkan ay ipinatupad na rin ang mas mahigpit na pagbabawal sa sinuman ang pagpasok sa loob ng ideneklarang 4-kilometer radius permanent danger zone.
Kapwa naghayag ang Sorsogon Police Provincial Office at Bureau of Fire Protection na nakahanda na ang kanilang mga tauhan, trucks, fire trucks at iba pang assets sakaling ipatupad ang paglilikas at pagresponde.
Inisyal na 2,400 food packs ang agad na inihanda ng Provincial Social Welfare and Development sa maaapektuhang pamilya.
Nakahanda na rin ang Provincial Health Office at ang ipapamahaging mga facemasks, gamot at iba pa.
Maging ang DPWH ay nakaalerto sa gagawing clearing operation sa maaapektuhang mga lugar.
Inatasan din ang ilang mga ahensya na i-monitor ang kalagayan ng mga hot springs sa bayan ng Irosin sa posibleng mga pagbabago.
- Latest


















