FL Liza Marcos, dumalaw sa Bilibid

MANILA, Philippines — Dumalaw si First Lady Louise “Liza” Araneta-Marcos sa New Bilibid Prison nitong Martes upang suportahan ang mga programang naglalayong mapabuti ang kalagayan at matulungan ang mga persons deprived of liberty (PDLs).
Ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang Jr., isinagawa ang pagbisita kasabay ng programang may temang “Kulay, Kalinga, Katarungan at Kalayaan” na naglalayong itaguyod ang kapakanan, karapatan at rehabilitasyon ng mga bilanggo.
Kabilang sa mga aktibidad ang painting lessons, libreng legal assistance, PagLaya Programme, dermatology medical mission at Katarungan Caravan.
Dinaluhan din ang aktibidad ng mga kinatawan ng Department of Justice, hudikatura, Integrated Bar of the Philippines, iba pang ahensiya ng pamahalaan, mga abogado, medical professionals, volunteers at pribadong sektor, kasama sina Sandiganbayan Associate Justice Karl Miranda at Commission on Audit Chair Gamaliel Cordoba.
Samantala nasa 43 persons deprived of liberty (PDLs) ang napalaya sa ilalim ng programang Bilis Laya.
- Latest


















