Alex paghahandaan ang exhibition match
MANILA, Philippines — Umuwi na sa bansa si Pinay tennis sensation Alex Eala para magpahinga at paghandaan ang isang exhibition match sa Disyembre 8 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Sasalang ang 21-anyos na netter sa “Alex Eala Live: Game. Set. Celebrate” kung saan niya makakasama sina 2024 Paris Olympics double-gold gymnastics winner Caloy Yulo at boxing icon Manny Pacquiao.
Lalabanan ni Eala, ang World No. 15 player, si top Indonesian player at World No. 60 Janice Tjen.
Nagmula si Eala sa kampanya sa nakaraang Prudential Hong Kong Tennis Open at sa Toray Pan Pacific Open sa Tokyo, Japan.
Mula sa pagiging No. 50 sa pagsisimula ng 2026 ay lumundag ng 35 posisyon si Eala para makamit ang pinakamataas niyang puwesto sa buong mundo.
Isa sa mga nag-angat sa ranggo ni Eala ay ang pagrereyna niya sa WTA Tour 250 sa Washington DC pati na ang pagkopo sa 125 title sa Birmingham.
Umabot din siya sa third round ng US Open at sa fourth round ng Wimbledon Open kung saan niya sinapawan si reigning champion Iga Swiatek ng Poland.
Sa kanyang huling laro sa Hong Kong Open ay nagkaroon si Eala ng knee injury sa kanilang championship match ni American Claire Liu na nagresulta sa 3-6, 0-6 kabiguan niya.
Matapos ang kanyang maikling break sa Pinas ay muling bibiyahe si Eala patungong Auckland, New Zealand para lumahok sa 2027 ASB Classic sa Enero 4 hanggang 10.
Sumampa si Eala sa Auckland semifinals ng singles at doubles katambal ang best friend na si Iva Jovic ng USA.
- Latest


















