Driver ng ‘kuliglig’, 50-metro nakaladkad
CAVITE, Philippines — Patay ang isang driver ng “kuliglig” matapos makaladkad ng isang pickup truck at tinakasan pa, kamakalawa sa Tagaytay-Sta. Rosa road, Silang Cavite.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si alyas “Armando,” 55-anyos, driver, residente ng Brgy. Pooc 1, Silang, Cavite.
Hindi naman nakilala ang driver ng puting pickup truck na tumakas matapos ang insidente.
Sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ng biktima ang kanyang kuliglig na may sakay na mga saging nang biglang banggain ng nakasunod na puting pick-up truck.
Kapwa bumabagtas ang dalawang sasakyan sa lugar habang patungo ng Tagaytay City, nasa kanang linya ng kalsada ang biktima at nasa gitna ang nasabing truck. Nagtangkang mag-overtake ang trak kung kaya kumabig ito na naging dahilan upang masabitan nito ang biktima at tuluyang makaladkad.
Umabot pa ng may 50 metro ang pagkaladkad sa sasakyan ng biktima bago tuluyang kumalas sa trak.
Sa halip na huminto ang suspek, tuluy-tuloy naman ang takbo nito at tumakas.
- Latest
















