Mga host ng Showtime, pinarangalan...
MANILA, Philippines — Muling binigyang parangal ng It’s Showtime ang mga pinaka-memorable at nakakatuwang on-air moments ng hosts sa pamamagitan ng ikalawang It’s Showtime AWAAARD, bilang bahagi ng pagdiriwang nila ng ika-17 anibersaryo.
Pinangunahan nina Ryan Bang, Jackie Gonzaga, Darren Espanto, Brent Manalo, at guest host Bianca Umali ang presentasyon, kasama ang mga guest presenter na sina Fyang Smith, Kyle Echarri, Joaquin Arce, Inigo Jose, Charo Santos, Ruffa Gutierrez, at GMA Senior Vice President Ms. Annette Gozon-Valdes.
Naiuwi ni Vice Ganda ang Best Actress in Eme-Eme Showtime Awaaard Consideration Role, dahil sa kanyang bigay-todong pagganap sa Laro, Laro, Pick. Pinarangalan din sina Jhong Hilario at Teddy Corpuz bilang Best Actor in Eme-Eme Showtime Awaaard Consideration Role dahil sa kanilang kapansin-pansing aktingan sa parehong segment.
Samantala, nakuha ni Anne Curtis ang HA? Hakdog Award dahil sa kanyang mga nakatutuwang pagkakamali sa pagbigkas ng mga binabasa at sinasabi sa programa. Naiuwi naman ni Ryan ang Karir na Karir Award dahil sa trending niyang pangagaya sa tunog ng sea lion, habang si Karylle naman ang nagwagi sa Wow, Sabaw Award dahil sa kanyang mga nakakatuwang pagkalimot bilang hurado sa Miss Q and A.
Samantala, iginawad kay Vhong Navarro ang Pero ‘Nay Aminin Mo Puwedeng Special Jury Citation ‘To Award dahil sa kanyang maiikli ngunit memorable na mga linya, kabilang ang Love is blind. Nakuha naman ni Ogie Alcasid ang Fallen Star Award dahil sa kanyang mga hindi malilimutang pagkadapa at pagkahulog sa entablado.
Hindi rin pinalampas ang mga birong hindi tinatawanan sa pamamagitan ng Natutulog Ba Ang Joke Award, na napanalunan nina Ion Perez at Ryan Bang. Samantala, kinilala si Jugs Jugueta ng Best Live Sound Effects Award dahil sa kanyang iconic na tawa na naririnig sa mikropono.
Isa sa mga emosyonal na sandali ng awarding ceremony ang pagtanggap ni Amy Perez sa It’s Showtime It’s About Time Lifetime Sa Noontime Award bilang pagkilala sa kanyang pagiging ina ng pamilya ng programa. Sa kanyang pagtanggap, ibinahagi ni Tyang Amy ang matibay na samahan ng mga host at nagpasalamat sa Madlang People sa patuloy na pagbibigay sa kanila ng lakas at suporta sa kabila ng mga pagsubok na kanilang pinagdaanan.
Bahagi ang ikalawang It’s Showtime AWAAARD ng isang linggong pagdiriwang ng ika-17 anibersaryo ng programa, tampok ang sunod-sunod na espesyal na pagtatanghal at segments para sa Madlang People.
- Latest

























