Repatriation flights mula Europa, pinag-aaralan ng Malacañang
MANILA, Philippines — Pinag-aaralan ng Malacañang na maglunsad ng repatriation flights para sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) at mga Pilipino sa France, Italy, at iba pang bansa sa Europa kung magpapatuloy ang nagaganap na civil unrest o mga riot doon.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, pangunahing prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay ang kaligtasan at kapakanan ng mga OFWs sa gitna ng mga kaguluhan.
Nakatutok ang pamahalaan sa sitwasyon ng mga Pilipino sa Europa at maghahanda lamang ng mga flight pauwi kung sakaling lumala o hindi tumigil ang kaguluhan.
“Kahit anong kaguluhan, ang Pangulo ang unang pinoprotektahan ng Pangulo ay ang mga OFW. Kung hindi magkakaroon ng kaayusan... maaaring magpa-repatriate kung kinakailangan”, ayon kay Castro.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW), at mga embahada ng Pilipinas sa Europa para sa kaligtasan ng mga Pinoy at naihayag na rin na walang Filipino na sangkot o nasaktan sa patuloy na protesta at kaguluhan sa France at Italy.
- Latest





















